P35 UMENTO KINUWESTIYON

NAGHAIN na ng petisyon ang mga labor group na humihiling na baligtarin ang inaprubahang P35 wage increase para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Batay sa petisyon na inihain ng mga grupo na pinangunahan ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization, hinihiling ng mga ito sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) na isantabi ang naunang desisyon at ideklara ang P1,207 minimum daily wage sa National Capital Region (NCR).

Katwiran ng grupo, ang P35 na umento sa arawang sahod ng mga manggagawa ay nakabase pa sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2021.

Ayon sa mga grupo, nararapat lamang ang P1,207 na daily minimum wage para sa mga manggagawa sa Kamaynilaan para mabuhay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Hunyo 27, 2024 nang mapirmahan ang Wage Order No. NCR-25 at lumabas sa publikasyon ng Hulyo 1.
Inulan ito ng batikos mula sa labor groups dahil sa malayong mas mababa ito kumpara sa hiling na P100 hanggang P150.
Sa kabila nito, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na maaari pa itong mabago kapag opisyal na may maghain ng petisyon bago ang pagiging epektibo ng wage order.