P355.6-B METRO MANILA SUBWAY PROJECT, PINASISIMULAN SA TAGUIG CITY

Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano

KUNG hindi umano agad mareresolba ang mistulang panghaharang sa Quezon City at patuloy na mababalam ang konstruksiyon ng P355.6 bilyon na Metro Manila Subway Project (MMSP), mas mabuti umanong pasimulan na lamang sa bahagi ng Taguig City ang kauna-unahang mass subway transport system project na ito ng bansa.

Ito ang iginiit ni Speaker Alan Peter Cayetano kung saan handa umano niyang personal na maipaabot kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang mungkahi niyang ito para magtuloy-tuloy na ang pagpapagawa sa nasabing 36 km-long na subway project.

“I saw on television, a good friend Winnie Castelo (2nd Dist. Quezon City councilor) saying may problema sila doon, sa kung saan mag-i-start, kung saan ‘yung subway sa Quezon City. So wanna tell na Sec. Art Tugade, kung may problema pa si Quezon City, sa Taguig mo muna umpisa-han ‘yung (project)…” sabi pa sa lider ng Kamara de Representantes.

Ayon  kay Cayetano, isusulong niya ang pagpapatupad ng mass transport system bilang isa sa mga pangunahing solusyon sa patuloy na lumalalang problema sa trapiko hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang highly-urbanized areas sa Filipinas.

“We will push for the mass transportation and we will not only pass legislation, if needed, will use our oversight powers. There’s no reason that right of way should be a problem. Sinama ako many times ng economic team sa Japan and China and to our other donors like Korea and parati nilang sinasabi, one of the biggest problem sa Fi­lipinas is right of way.” Giit ni Cayetano.

Nauna rito, hiniling ng Quezon City Council, sa pamamagitan ni Castelo, sa DOTr na ibalik sa orihinal na ruta ang naturang proyekto partikular ang pagbabagtas na lamang nito sa EDSA sa halip na sa kahabaan ng C-5

Mas praktikal, ligtas, mura, mas mabilis matapos at higit na marami pasahero umano ang makikinabang, base na rin sa pag-aaral na ginawa ng kanilang city engineers

Dagdag ng konsehal, duda siya kung papayag ang mga residente ng ilang sikat o pang-mayaman sa subdivision na matamaan o magkaroon ng konstruksyon ng subway sa kanilang lugar.

“Du’n kasi sa C5 baka magreklamo ‘yung mga subdivision, makakuha sila ng TRO [temporary restraining order] sa korte so tatagal at tatagal pa,” sabi ni Castelo sa hiwalay na panayam.

Noong nakaraang Pebrero ng kasalukuyang taon nang isagawa ang ground breaking para sa Phase 1 ng MMSP kung saan bago ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay target na mabuksan o maging operational na ang unang tatlong istasyon nito: ang Quirino Highway-Mindanao Avenue Station; Tandang Sora Station; at North Avenue Station. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.