INIHAYAG ni Makati City Mayor Abby Binay na naglabas ang lokal na pamahalaan ng pondo na nagkakahalaga ng P36,468,500 bilang cash incentives sa 21,245 senior citizens na mga Blu Card holders sa lungsod.
Sinabi ni Binay na ang unang batch ng benepisyaryo na makatatanggap ng cash incentives ay ang mga may updated na GCash accounts.
Matatandaan na binuksan ng lungsod ang Proud Makatizen portal para sa pag-update ng Blu Card holders’ GCash accounts mula Mayo 15 hanggang 28.
Sa ilalim ng Blu Card program, ang lahat ng nakarehistrong senior citizens ay makatatanggap ng kanilang cash incentives ng dalawang beses kada taon sa mga buwan ng Hunyo at Disyembre.
Tuwing Hunyo, ang mga seniors na nasa edad 60-69 ay makatatanggap ng P1,500; mga nasa edad 70-79 ay P2,000; 80-89 taong gulang ay P2,500 habang ang mga nasa edad 90-99 ay P5,000 ang kanilang matatanggap na cash incentive.
Ang centenarians na nasa edad 100 pataas ay makatatanggap din ng P5,000 bilang mid-year cash incentive kung ang mga ito ay Blu Card holder sa nakalipas na limang taon ngunit kung hindi pa sila Blue Card holder ng limang taon ay makatatanggap pa rin ang mga ito ng kanilang mid-year cash incentive sa halagang P2,500.
Hinikayat naman ni Binay ang mga Blu Card holders na walang GCash accounts na gumawa na ng kani-kanilang account at panatilihin itong updated para matanggap ang kanilang mga benepisyo.
Pinayuhan din ni Binay ang may mga GCash account na hindi pa updated na regular na bumisita My Makati Facebook page at hintayin ang pag-anunsyo sa GCash account updates.
Simula ng nakaraang taon, ang mga cash incentives ay direktang ipinapadala sa bawat GCash account ng mga benepisyaryo para masigurong ligtas, konbinyente at mabilis ang pamamahagi ng kanilang mid-year gift. MARIVIC
FERNANDEZ