P370-B BAYANIHAN 3 LAW PAGTITIBAYIN

Joey Sarte Salceda

TINIYAK ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na pagtitibayin na ang isinusulong na P370 billion na Bayanihan 3 Law.

Kasunod ito ng ginanap na pulong para hanapan ng pondo ang Bayanihan 3 sa pagitan ng liderato ng Kamara at ng Department of Finance (DOF).

Ayon kay Salceda, posibleng ngayon o sa susunod na linggo ay pagtitibayin na sa joint hearing ng House Committee on Appropriations at House Committee on Economic Affairs ang Bayanihan 3.

Aniya, sa halip na stimulus ay magsisilbing lifeline ang P370 Billion na Bayanihan 3 Law para agarang tugunan ang kahirapan at kagutuman ng mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic gayundin ng mga industriyang naghihingalo dahil sa krisis.

Mayorya aniya sa pagkukunan ng pondo ang “obese” na government-owned and -controlled corporations (GOCCs) at tax measures.

Dito ay itataas ang dividend remittance ng mga GOCCs mula 50% patungong 75% na inaasahanag makakalikom ng P70 Billion pero ito ay mangan-gailangan muna ng amyenda sa Republic Act 7656 o ang Dividends Law. .

Bukod dito, maaari rin aniyang tukuyin ng National Economic Development Authority (NEDA) ang mga GOCC na hindi naman kumikita at bawa-san ang kapital nito kung saan maaaring makakuha ng P20 Billion hanggang P80 Billion na pondo.

Nangako rin aniya si Finance Secretary Carlos Dominguez na susulat sa Senado para sa agarang pag-apruba sa panukalang POGO Tax at E-Sabong na kapwa magbibigay ng P15 billion at P5 billion na funding resource.

Kabuuang P140 billion ang paunang pondo na target malikom para sa pagpapatupad ng Bayanihan 3, habang P166 Billion para sa phase 2 at P63 Billion naman sa phase 3 depende sa revenue performance ng bansa.

Sa oras naman na maaprubahan na sa mga komite ang Bayanihan 3 ay nakahanda na itong maisalang sa plenaryo sa pagbabalik sesyon sa May 17. CONDE BATAC

76 thoughts on “P370-B BAYANIHAN 3 LAW PAGTITIBAYIN”

Comments are closed.