P38-M SHABU NASABAT SA 2 TULAK

CEBU- MATAGUMPAY na naaresto ang dalawang suspek sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad kasabay ng pagkakakumpiska ng mahigit sa P38 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust sa lalawigang ito.

Batay sa pahayag ni Lt. Col. Randy Caballes, hepe ng Talisay City Police Office na unang naaresto ang may-ari ng junk shop na si Robert Fernan, 31-anyos na tinaguriang provincial-level high-value drug personality dahil sa dami ng iligal na droga na ikalat sa karatig na lugar ng probinsiya.

Sinabi ni Caballes na nasabat ng mga operatiba kay Fernan ang 5.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P37.4 milyon sa isang sulok sa kanyang lugar sa Purok Kawayan, Sitio Kimba, Barangay San Roque sa Talisay City.

Narekober din ng mga pulis kay Fernan ang isang .45 caliber pistol at ilang mga bala.

Nabatid na inaresto ng pulisya si Fernan matapos ang humigit-kumulang dalawang linggong pagsubaybay sa kanyang operasyon sa lungsod.

Samantala, arestado si Bryan Matugas, 28-anyos, laborer sa Sitio Lobres ng mountain village ng Pung-ol Sibugay sa lungsod na ito matapos ibenta sa mga operatiba ang dalawang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P480,000 sa isinagawang operasyon.

Naglunsad ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Central Visayas, Cebu provincial police, at Cebu City police station 4.

Ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165. EVELYN GARCIA