(Ikakasa ng DA sa Enero) P38, P36/KILO NG BIGAS SA KADIWA

PLANO ng Department of Agriculture (DA) na maglabas ng bagong rice varieties na tinatawag na “sulit rice” at  “nutri rice”, na ibebenta sa mas mababang presyo bilang “New Year offering” sa mga Pilipino..

Sa isang new forum noong Sabado, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra na ang sulit rice ay ibebenta sa halagang P36 kada kilo, habang ang nutri rice ay mabibili sa P38 kada kilo.

“Iyan po ‘yung balak naming New Year offering. Kumbaga bagong taon, meron tayong i-introduce na bagong varieties sa start of the year,” sabi ni Guevarra.

Inilarawan niya ang nutri rice na “brownish,” habang ang sulit rice ay puti ngunit  “super broken.”

Ang bagong rice varieties na ibebenta simula 2025 ay karagdagan sa P40 kada kilo ng  mixed local at  imported well-milled rice na kasalukuyang ibinebenta sa Kadiwa stores.

Nang tanungin kung posible na maibaba pa ang presyo ng bigas sa Kadiwa stores, sinabi ni Guevarra na binabalanse ng pamahalaan ang sitwasyon, dahil ang nasabing hakbang ay maaaring magkaroon ng “ripple effect” sa mga magsasaka.

“Nakakadismaya din po sa mga magsasaka kung masyadong bababaan din po ang presyo ng bigas,” aniya.

“Meron pong ripple effect kasi kapag masyadong binabaan naman. Of course, kung nagtatanim ako ng bigas, baka madismaya akong magtanim pa dahil kung ganyan kababa, baka wala akong kitain.”

Ang Rice for All program ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) ay nagkakaloob ng mas murang bigas kumpara sa umiiral na presyo sa merkado.

Plano rin ng DA na magbukas ng mga karagdagang Kadiwa kiosks sa major public markets sa buong bansa, gayundin sa Metro Rail Transit (MRT) and Light Rail Transit (LRT) stations.

Ang KNP kiosks ay kasalukuyang nag-o-operate sa Kamuning Market, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Pasay City Public Market, Guadalupe Market, MRT-North Avenue Station, at LRT-Monumento Station.

Kinokonsidera rin ng DA ang mga bagong kiosk sa Balintawak (Cloverleaf) Market, Maypajo Public Market sa Quezon City, Cartimar Market sa Pasay City, Grace Market sa Pateros, at  Paco Market ngayong buwan.

ULAT MULA SA PNA