P380-M MAKINANG GUMAGAWA NG PEKENG YOSI NASAMSAM

TINATAYANG nasa P380 milyon ang halaga ng mga makina at P30 milyon na pekeng siga­rilyo ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Bureau of Internal Revenue-Manila sa isinagawang pagsalakay sa bayan ng Villanueva, lalawigan ng Misamis Oriental

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sinalakay ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-13, kasama ang  Misamis Oriental Provincial Police at mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR)-Manila ang isang warehouse sa Tuburan, Poblacion, sa bayan ng Villanueva.

Natunton  ang bodegang kinalalagyan ng mga makina na milyon-milyon piso ang halaga  na sinasabing ginagamit sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo matapos ang pagsalakay sa Cagayan de Oro City at nasamsam dito ang may  P30 milyon na estimated value ng mga sigarilyo.

Ito ang kinumpirma ng raiding team matapos matuklasan ang illegal operations ng iba’t ibang klase ng makina sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo sa warehouse na inuupahan ng Taiwanese businessmen sa nasabing bayan

Sinasabing nasa 15 Taiwanese businessman ang nahaharap sa kasong tax evasion, falsification of tax stamps, trademark in-fringement, unfair competition at false designation of origin/description/representation bukod pa sa pagbabayad ng buwis.

Hindi muna kinilala ang pangalan ng mga sinasabing Taiwanese national na umanoy wala sa warehouse ng isagawa ang pag-salakay maliban sa isang Michael Shi na lumutang at nagpakilalang may-ari ng warehouse.

Ayon sa local Police, mga equipment lamang ang nadatnan ng raiding team sa sinalakay na bodega na  inuugnay naman  sa dalawa pang warehouses na napasok ng mga taga-BIR sa Barangay Cugman, Caga­yan de Oro City.

Kabilang sa mga makinang nasamsam ang tatlong packing machines, dalawang wrapper machines, dalawang cigarettes makers, fake tax stamps at sari-saring mga fake cigarettes .

Kasalukuyang nakakandado ang lahat ng mga warehouse habang nasa loob ang mga kagamitan paggawa ng mga substandard cigarette na sinasabing ibinenta hindi lamang sa Northern Mindanao suba­lit sa Caraga at maging sa Davao Regions. VERLIN RUIZ

Comments are closed.