(P3,800 hanggang P5,000) PRICE CAP SA SWAB TEST

Francisco Duque III

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nagtakda na ang pamahalaan ng price cap para sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction o RTPCR tests para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, ang naturang nasal swab tests ay dapat na nagkakahalaga lamang ng P3,800 hanggang P5,000.

Sinabi ni Duque na sa ilalim ng Joint Administrative Order ng DOH at Department of Trade and Industry (DTI), ang price cap para sa RT-PCR test ay P3,800 para sa mga pampublikong pagamutan at P4,500 hanggang P5,000 naman para sa mga pribadong ospital at mga laboratoryo.

“Ito ang nabuo from market study. Mayroon itong batayan at hindi binunot lang from thin air,” ayon pa kay Duque.

“Ginawa nating price range kasi maraming variables. This gives laboratories leeway to consider variables,” paliwanag pa niya.

Nagbanta naman si Duque na ang anumang paglabag sa naturang price cap ay mangangahulugan ng suspensiyon ng license to operate para sa una at ikalawang paglabag at tuluyang pagbawi na ng lisensiya ng mga ito para sa ikatlong paglabag.

Matatandaang ang RT-PCR test ay kinokonsidera bilang gold standard para sa pagsusuri laban sa COVID-19 infection.

Nagdesisyon ang pamahalaan na magtakda ng price cap dito matapos na mapaulat na ilang pribadong laboratoryo ang sumisingil ng mula P10,000 hanggang P20,000 para sa pagsasagawa ng RT-PCR tests.

Inaasahang magiging epektibo ang price cap sa nasal swab test matapos na mailathala ito sa mga pahayagan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.