ZAMBOANGA CITY- NAKATAKDANG wasakin ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Zamboanga ang nasa P395 milyong halaga ng nakumpiskang smuggled cigarettes sa gaganaping sabayang public condemnation activities sa Pavillion, Dao sa Pagadian City sa inupahang warehouse ng aduana sa Brgy. Baliwasan sa lalawigang ito.
Sasaksihan ng BOC, at mga kinatawan mula Commission on Audit, local government unit, stakeholders, partner agencies PNP at Philippine Coast Guard at iba pang operating units ang pagsira sa may 11,219 master cases ng sigarilyo.
Ang mga wawasaking kontrabando ay nasamsam sa magkakahiwalay na anti-smuggling operations sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi mula Mayo hanggang Nobyembre, 2022.
Ayon kay District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr. sa kanyang report kay Commissioner Yogi Filemon Ruiz na ito na ang pangalawang condemnation activity ng Port of Zamboanga ngayong taon kasunod ng May 2022 destruction ng P110 million puslit na sigarilyo.
Pinasalamatan din ng BOC ang Task Force for Anti-Smuggling in ZAMBASULTA na binubuo ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Philippine Marines, the Philippine Navy, National Bureau of Investigation, Joint Task Force Zamboanga, the Bureau of Fire Protection, Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Internal Revenue, at local government unit.
Ang Port of Zamboanga ay nakapagtala ng mahigit P500 million halaga ng confiscated cigarettes para sa taong ito bilang pagtalima sa ibinabang diretiba ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa smuggling at isulon mog ang transparency sa operation ng Aduana.
Ang mga nasabing kontrabando ay ibababad sa tubig at paulit-ulit na papadaanan sa pison sa harapan ng partner agencies bago tuluyang itambak sa isang sanitary landfill sa Brgy. Salaan. VERLIN RUIZ