NASAKOTE ng mga awtoridad ang apat na tulak nang makumpiskahan ng aabot sa P4,108.000 halaga ng high grade marijuana o kush sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, BGen Nicolas D Torre III, ang mga nadakip ng mga operatiba ng Fairview Police Station (PS-5) na pinamumunuan ni Lt. Col. Elizabeth Jasmin na sina Mihingold Guina, 23-anyos; Daryl Louie Borgonia, 31-anyos, kapwa nakalista sa Regional Level Drug personalities, at ang mga kasamahang sina Miriam Doctor, 23-anyos, at Fernando Mendoza, 25-anyos ng Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Sa report, matapos na makatanggap ng tip ang PS-5 sa ilegal na aktibidades ni Mendoza, bandang alas-7:40 nitong Miyerkules ng gabi at nagkasa ng buy-bust operation sa Valiant St., Brgy. Greater Fairview sa lungsod.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng kush na nagkakahalaga ng P25,000 at nang magkaabutan ay agad na pinosasan si Mendoza.
Nang madakip ay inginuso naman ni Mendoza ang mga kasabwat na sina Guina, Borgonia, at Doctor ang umanoy mga nagsu-suplay sa kanya ng marijuana dahilan upang arestuhin din ang mga ito.
Nasamsam mula sa mga suspek ang higit- kumulang sa 3,160 gramo ng high grade marijuana na nagkakahalaga ng P4,108.000, cellular phone, Honda City, at buy-bust money.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek. EVELYN GARCIA