INAASAHANG kikita ang gobyerno ng malaki sa House Bill 304 o ang Passive Income Financial Intermediation Tax Bill o PIFITA.
Ang PIFITA ay aprub na sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 186 YES, 6 NO at 2 ABSTENTION.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, kikita ang gobyerno ng P4.2 bilyon sa oras na maging ganap na batas ito.
Sa ilalim ng PIFITA ay gagawing mas simple ang pagbubuwis para maging madali ang pagkolekta ng gobyerno ng tax.
Isinama rin sa panukala ang unified tax rate na 15% para sa interests, dividends at capital gains.
Kasama rin sa panukala ang pagtatanggal ng Documentary Stamp Tax (DST) sa diploma, transcript at iba pang records.
Makikinabang sa pag-alis ng DST ang mga diploma para sa 1.2 milyong nagtatapos sa kolehiyo kada taon, transcript of records ng may dalawang milyong senior high school graduate kada taon at iba pang certification sa paaralan
Kasama rin ang oath of office ng 650,000 opisyal ng barangay at iba pang elective officials, good moral standing certificate na hinihingi ng Philippine Regulations Commission, affidavit of loss at iba pang certificates/notarized documents, proxies, certificate of no marriage record at baptismal certificate. CONDE BATAC