HINDI sinang-ayunan at iginiit ng isang ranking lady official ng Kamara na dapat maibalik ang pagtapyas sa nasa P4.2 billion na pondo para sa ‘communicable diseases control and prevention program’ ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng proposed P5.268 trillion 2023 national budget.
Pagbibigay-diin ni House Committee on Appropriations Vice Chairman at Iloilo Rep. Janette Garin, hindi lamang ang paglaban sa pandemya ng COVID-19 ang malaking hamon na kinakaharap ng bansa sa ngayon, kung saan may hakbangin din na kailangang isakatuparan ng Health department para pigilan ang pagkalat ng moneypox, tuberculosis, hepatitis, HIV at iba pang nakahahawang sakit.
Kaya naman kinuwestyon ng Iloilo lady lawmaker, na dati ring naging kalihim ng DOH, kung bakit binawasan ng nasabing halaga ang badget na gagamitin ng ahensiya para sa ‘communicable diseases’ control and prevention program nito, sa ilalim ng P296.3 billion na kabuuang pondo nito para sa fiscal year 2023.
“We are in dire need of funds and these funds was transferred to the health promotion office and to the blood center and other voluntary blood services. Laudable naman po ang programa, pero mahirap po kasi i-explain sa taumbayan na ang tinapyas ng DOH ay para sana sa program ng communicable diseases,” ani Garin.
“Marami pa tayong challenges, ang pondo na ito ay puwede na ibili ng dagdag na gamot kontra Covid, pwede ibili para sa monkeypox and gamitin sa ibang pangangailangan. My point is the pandemic is not yet over, bakit natin tatapyasan ang control and prevention disease?,” pahabol ng kongresista.
Kaya naman apela ng House panel vice-chairperson sa DOH, tutukan at bigyang prayoridad ang prevention and control ng mga communicable diseases sa harap ng pagtapyas ng P4.2 billion o 71.21% sa budget para sa disease prevention na inilipat ang pondo sa health promotion program ng ahensiya. ROMER R. BUTUYAN