MINDANAO – NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong suspek at nasamsam ang humigit-kumulang P4.4 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang checkpoint operation sa lalawigan ng Zamboanga, Sibugay.
Sa ulat ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) director, ang pagkakakilanlan ng mga naarestong suspek ay pansamantalang hindi ibinunyag habang nakabinbin ang follow-up operations.
“Ang mga suspek ay inaresto ng mga pulis sa isang checkpoint noong Martes ng hapon sa Purok Euporbia, Barangay Lutiman, Alicia, Zamboanga Sibugay,” ani Masauding.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 79 master cases ng samu’t saring smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.9 milyon mula sa unang sasakyan habang sa ikalawang sasakyan ay natagpuang may lulang 39 master cases at 31 reams ng undocumented cigarettes na nagkakahalaga ng P2.5 milyon.
Dinala sa Alicia Municipal Police Station ang mga suspek at ang mga nakumpiskang smuggled na sigarilyo para sa maayos na pagproseso at disposisyon.
EVELYN GARCIA