P4.4-M UNDOCUMENTED CIGARETTES NASABAT

ZAMBOANGA -NASA P4.4 milyong halaga ng mga hindi dokumentadong sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa pantalan sa lalawigang ito.

Kasunod ito nang isinagawang seaborne patrol operation ang mga tauhan ng Bureau of Customs sa Barangay Recodo sa Zamboanga City kaya namataan ang isang lantsa na may kargang kontrabando.

Kasalukuyang bineberipika ang mga tunay na kakilanlan ng mga nadakip na tripulante sa nasabat na watercraft.

Tatlo dito ay mula sa Barangay Kasayangan at isa mula sa Barangay Southcom na parehong taga Zamboanga City.

Lumitaw sa pagsisiyasat na nagmula umano ang lantsa Jolo, Sulu at patungong Zamboanga City.

Subalit nang rekisahin ang mga kargamento ay walang dokumentong ipinakita ang mga tripulante bilang patunay na hindi ilegal ang mga hinihinalang smuggled cigarettes.

Kinumpiska ang mga sigarilyo alinsunod sa Section 1113 kaugnay ng Section 117 ng Republic Act 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act of 2016 at sa Executive Order Number 245 na pinamagatang ” Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco products.
VERLIN RUIZ