HINDI magtatagal mula ngayon, susuong na naman ang Mataas na Kapulungan sa malalimang pagdinig sa susunod na pambansang budget — ang P4.5 trilyong 2021 national budget.
At bilang chairman ng Senate Committee on Finance na mangunguna sa pagdinig na ito, tinitiyak natin na ipapasa ng Senado sa tamang oras ang naturang panukala.
Ito po ay para matiyak na hindi maaantala ang implementasyon ng mga programa ng gobyerno, partikular sa mga plano nito sa pagresolba sa mga problemang dala ng COVID-19.
Sisimulan po ng ating komite ang pagdinig sa panukalang national budget sa sandaling maisumite na ng Palasyo sa Senado ang National Expenditure Program program nito.
Kailangan pong siguruhin natin na walang delay sa pagpasa nito, dahil ang iniiwasan natin ay maulit ang nangyari noong 2019 kung saan ang pondong nagpagalaw sa pamahalaan ay ‘yung pondo pa ng 2018. Ang resulta, limang buwang ginamit ang lumang budget, na naging dahilan para ma-delay rin ang mga programa at proyekto na nagpabagal din sa ating GDP growth.
Kapag po ganyan ang nangyayari, talagang hindi po tayo makapagsisilbi nang maayos sa publiko. Hindi episyente ang ating trabaho para sa mamamayan na umaasang nailalagay sa mga tamang proyekto ang kanilang buwis. At ipinangangako natin, hindi ito mauulit lalo na ngayong nasa panahon tayo ng matinding pandemya.
Ito pong budget para sa 2021 na P4.506 trilyon ay mas mataas ng higit sa 9 percent kaysa sa kasalukuyang budget ng gobyerno. Ang ibig sabihin po nito, 21.8 porsiyento ng ating GDP ang katumbas ng pondong ito para sa susunod na taon.
At umaasa tayo na masusustina ng pondong ito ang mga programang pangkalusugan ng gob-yerno. Sana’y matiyak din ang seguridad ng pagkain, mapalakas at magastusan ang digital infrastructure at siguruhing walang komunidad ang mapag-iiwanan sa tulong ng pamahalaan
Nilalayon po natin sa pag-apruba ng budget na tulungan ang buong bansa, partikular ang mamamayan na muling makabangon, muling makapagsimula at unti-unting makabawi. Nakapokus po ang pondo sa sustainability at resiliency – kailangan tayong magpakatatag at maging matibay sa mga darating na panahon.
Hindi po natin dapat hayaang dahil sa pandemyang ito ay magdusa ang ating ekonomiya. Hindi po natin hahayaang mangyari ito dahil ito ang magdadala ng higit pang sigalot sa atin.
Kaya sa pagpasa po natin sa panukalang ito, umaasa tayo na lahat ng programang nakatala ay maisasakatuparan, lalong-lalo na ang mga programa para sa ating healthcare system na talaga namang hinahagupit ngayon ng pandemya.
Umaasa tayo na mailalagay na sa tama at ayos ang ating sistemang pangkalusugan para hindi na natin danasin ang ganitong pangangapa sa dilim sakaling may dumating na namang krisis sa mga susunod na panahon. Hindi naman natin ipinapana-langin ‘yan, pero gusto lamang nating makatiyak na mas mapalalakas na ang ating healthcare system para na rin sa kapakanan ng lahat — para handa tayo anuman ang posibleng mangyari.
Ito pong pandemyang ito, maraming winasak na industriya at negosyo. Pinaka-nakaaawa sa lahat iyong maliliit na negosyante na maliit lamang naman ang kinikita, sinalanta pa ng pandemic. Ito pong mga industriyang ito ang dapat na maging prayoridad ng pamahalaan.
Kabilang naman po sa mga isinusulong nating adbokasiya ngayon ang pagkakaroon ng isang national digital transformation program. Ito po ay para maging madali ang mga transaksiyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa mga panahong ito na hindi kailangan ang physical presence at physical queuing. Sa pamamagitan din ng digital transformation, mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga manggagawa natin na mag-upskill o hulmahin ang iba pa nilang kaalaman para makasabay sa new normal. Hindi po dapat maging hadlang ang krisis na ito sa mobility at efficiency natin sa araw-araw.
Mas malakas na internet din ang pangunahing kailangan natin ngayon sa sektor ng edukasyon dahil sa distance at online learning. Malaking bahagi po ng ating student population, hindi papayagan sa face-to-face classes, kaya napakahalaga ng malakas na koneksiyon sa internet. Hindi dapat malagay sa alangangin ang edukasyon ng ating mga anak dahil lamang sa internet inefficiencies.
Kaya kaugnay po nito, panawagan natin sa mga kinauukulan sa sektor ng makabagong teknolohiya, at sa gobyerno, tuparin nila ang obligasyon sa pagpapalakas ng ating internet connection para naman tuloy-tuloy pa rin ang ating serbisyo sa tao at tuloy-tuloy pa rin ang takbo ng ating buhay. Siguruhin nating hindi tayo magpapatalo sa pandemyang ito.
Comments are closed.