P4.506-T 2021 NAT’L BUDGET NAISUMITE NA SA SENADO

NATIONAL BUDGET

ISINUMITE na ng Kamara sa Senado kahapon ang kopya ng inaprubahang P4.5 trillion 2021 General Appropriations Bill (GAB).

Mas maaga ng isang araw ang pagsusumite nila ng budget sa Senado na dapat sana’y ngayong October 28.

Sa statement na ipinadala ni Speaker Lord Allan Velasco, ang ipinasang record-high budget ay layong palakasin ang pagresponde ng pamahalaan at pasiglahin muli ang ekonomiya sa gitna ng nararanasang pandemya.

Hindi lamang, aniya, pinagtibay ang 2021 national budget sa oras, naaayon sa Konstitusyon at sa batas kundi tinitiyak din na ang spending plan sa susunod na taon ay magiging tugon sa pangangailangan ng publiko sa kabila ng pinakamalalang health crisis na nararanasan ngayon sa buong mundo.

Samantala, hindi naman na binago ng small committee sa Kamara ang nakapaloob na P20 billion ‘institutional amendments’ sa 2021 national budget.

Ayon kay Appropriations Vice Chairman Joey Salceda, ang pambansang pondo sa susunod na taon ang pinakamahalagang naipasang economic stimulus measure ng Kongreso na makatutulong sa muling pagbangon ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ginawa, aniya, ng small committee ang lahat ng makakaya nito para matiyak na ang national budget ay walang nilalabag sa Konstitusyon.

Ipinagmalaki rin ni Salceda ang mga nakapaloob sa budget kung saan ginawa nilang triple ang pondo para sa COVID-19 vaccine sa P8 billion.

Naglaan din ng dagdag na pondo para sa ayuda sa displaced workers, pagpapalakas ng internet connection sa lahat ng mga pampublikong paaralan at pagkakaroon ng ikatlong bugso ng financial assistance o SAP 3 para sa mga pamilyang apektado ng pandemya. CONDE BATAC

Comments are closed.