P4.51B DROGA WINASAK

CAVITE – UMABOT sa P4.51 bilyong ang halaga ng droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI) sa Barangay Aguado, Trece Martires City.

Nangunguna pa rin sa listahan ang 725 kilo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala bilang shabu, kabilang ang iba’t ibang uri ng ilegal na droga at controlled precursors and essential chemicals o (CPECS).

Kabilang rin sa mga winasak na ilegal na droga ang 530 kilo ng shabu na nasabat ng National Bureau of Investigation sa Mexico Pampanga kamakailan, kasama rin sa mga nangunguna sa listahanan ang Marijuana (535,352.3195 gramo), MDMA o mas kilala bilang Ecstacy (3,219.0132 gramo) at Cocaine (7,423.58 gramo).

Sa kabuuan, may timbang na 1,288,799.7371 gramo ang mga ilegal na droga na isinalang sa thermal decomposition o thermolysis ayon kay PDEA PIO Derick Carreon, sa temperaturang higit sa 1,000 degrees centigrade, para tiyaking matutupok ang lahat ng ito at imposible ng ma recycle pa.

Ang mga winasak na droga ay mga ebidensyang nasamsam sa iba’t ibang anti drug operation na isinagawa ng PDEA, katuwang ang Philippine National Police (PNP), NBI at iba pang counterpart law enforcement at military units.

Naipresenta na ang mga ito sa korte at hindi na kinakailangan pang gamitin uli bilang mga ebidensya sa drug cases kaya kinailangan na ang pagwasak at pagdurog sa mga ito.

Ayon kay PDEG Acting Dir PCol Dionisio Bartolome, nananatili ang Golden Triangle at West African Syndicate sa mga nangungunang grupo na nagsusupply ng mga ilegal na droga sa iba’t ibang bansa partikular sa Asya.

Kumpara noong October 2023 (5,968, 744, 462.01) mas mababa ng kaunti ang halaga ng mga ilegal na droga na winasak ng PDEA ngayong araw.
SID SAMANIEGO