MAY P4.8 billion na halaga ng pinaghihinalaang smuggled items ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa Maynila.
Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, ang pagsalakay na pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) sa isang bodega sa Binondo ng Setyembre 6 ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng smuggled vapes at counterfeit branded items, cosmetics, at general merchandise.
“I am sure that this will be one of the biggest operations by the BOC this year in terms of the value of the goods found. In recent months, we’ve been monitoring several warehouses for violation of intellectual property rights. As these groups and individuals become more brazen in their attempts to circumvent our laws, the more that our BOC personnel—from top to bottom—will find and prosecute them,” wika ni Rubio.
Bukod sa vapes, sinabi ni BOC-CIIS director Verne Enciso na iba’t ibang palapag ng storage building ang natuklasang naglalaman ng mga pekeng signature items tulad ng Gucci, Louis Vuitton, Dior, Adidas, Nike, at NBA.
Nadiskubre rin ang school supplies ng mga sikat na characters gaya ng Hello Kitty, Spiderman, at Disney characters, gayundin ang aerosols, cosmetics, tools, at iba pang general merchandise.
Pansamantalang pinadlak ng BOC at sinelyuhan ang storage areas habang isinasagawa ang final inventory ng mga produkto ng nakatalagang Customs examiner.
Binigyan naman ang warehouse owners at operators ng 15 araw mula sa pagkakatanggap ng Letter of Authority, na inisyu ni Rubio upang magsumite ng mga dokumento na nagpapakita na ang subject imported goods ay lehitimong inangkat at nagbayad ng tamang duties at taxes alinsunod sa Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang kabiguang magprisinta ng mga kaukulang dokumento ay magreresulta sa paghahain ng mga kaso dahil sa paglabag sa Section 117 (regulated importation and exportation) at Section 1400 (misdeclaration in goods declaration) in relation to Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng CMTA laban sa mga may-ari at operator ng warehouse.
Maaari rin silang kasuhan ng paglabag sa Republic Act 8293, o ang Intellectual Property Code of the Philippines at sa Republic Act 10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law).
Naging bahagi rin ng operasyon ang Enforcement and Security Service-MICP at ang Philippine Coast Guard (PCG). ULAT MULA SA PNA