NAGKALOOB ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P4.8 milyong emergency employment assistance sa may 300 empleyado ng Star City na nawalan ng trabaho nang masunog ang amusement park nitong Oktubre.
Pinangunahan nina Acting Secretary Claro Arellano at Senador Joel Villanueva, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, ang seremonya sa pagbibigay ng emergency assistance fund sa mga manggagawa ng Star City na nawalan ng trabaho.
Ang ipinagkaloob na tulong ay bahagi ng Trabaho, Negosyo, Kabuhayan job and business fair na ginanap sa Cuneta Astro-dome, Pasay City sa pagdiriwang ng ika-86 anibersaryo ng DOLE.
Ang tulong ay sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), isang emergency employment program na tatagal ng 10 araw hangang 30 araw para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, under-employed, at seasonal worker.
Mula sa ulat ng DOLE-National Capital Region, may 393 mula sa 500 na prinofile na manggagawa ng Star City ang posibleng maging benepisyaryo ng TUPAD nitong Oktubre 10.
Sa parehong araw, nagsagawa rin ang DOLE-NCR ng TUPAD orientation sa Star City parking area para sa mga prinofile na manggagawang nawalan ng trabaho na boluntaryong nagsumite ng mga kinakailangang dokumento para maging bahagi ng DOLE emergency employment program.
Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay inendorso sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa Pasay City nitong Oktubre 16, sa pakikipagtulungan ng City Government of Pasay sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO).
Inendorso ng PESO Pasay ang mga kuwalipikadong benepisaryo para sa kanilang TUPAD assignment nitong Oktubre 21.
Bago ang kanilang aktuwal na pagtatrabaho, sumailalim ang mga benepisyaryo sa basic orientation on safety and health, Personal Protective Equipment (PPE), enrolment sa group micro-insurance, at TU-PAD identification card. PAUL ROLDAN
Comments are closed.