(Ipinamahagi ng DOLE noong Labor Day) P4-B AYUDA SA DISADVANTAGED WORKERS

LABOR DAY TUPAD PAYOUT. May kabuuang 200 decommissioned combatants mula sa iba’t ibang bayan sa Basilan ang tumanggap ng kanilang TUPAD salaries sa nationwide payout ng DOLE noong May 1, Labor Day. Photo by DOLE Isabela (Basilan) City Field Office

PINANGUNAHAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nationwide distribution ng mahigit P4 billion na emergency employment at  livelihood assistance sa 700,000 manggagawa sa informal economy noong May 1, Labor Day.

Sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program, may 673,480 manggagawa ang binigyan ng emergency employment at tumanggap ng sahod na P3.377 billion.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang 200 decommissioned combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula sa iba’t ibang bayan sa Basilan. Binigyan sila ng trabaho sa loob ng 30 araw at tumanggap ng suweldo na nagkakahalaga ng  P10,080. Pinagkalooban din sila ng personal protective equipment at micro-insurance sa panahon ng kanilang temporary employment.

Ang tulong ay bahagi ng inisyatibo na palakasin ang inter-governmental labor relations sa pagitan ng DOLE at ng Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Samantala, sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program, may 35,598 benepisyaryo ang tumanggap ng livelihood assistance na mahigit  P706 million.

Sa pamamagitan ng programa, ang mga benepisyaryo na nais magsimula, palakasin, o ibalik ang kanilang kabuhayan ay binibigyan ng working capital sa pamamagitan ng raw materials, equipment, tools, at common service facilities. Pinagkakalooban din sila ng personal protective equipment, micro-insurance, seminars sa basic occupational safety at health and emergency first-aid, at training sa productivity at entrepreneurship upang masiguro ang sustainability ng kanilang livelihood undertakings.

Ang nationwide distribution ng TUPAD wages at livelihood assistance ay bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day ngayong taon na kumikilala sa economic contribution ng informal sector workers at sa kahalagahan ng pagbabawas ng kanilang vulnerability sa mga panganib sa pamamagitan ng income opportunities, tulad ng temporary wage employment o entrepreneurship.

LIZA SORIANO