INAASAHANG nasa kanya kanya ng ATM card ng may 200 libong miyembro ng Philippine National Police ang kanilang Performance Base Bonus matapos na aprubahan ang pagre-release ng P4 bilyong pondo para rito.
Base sa Special Allotment Release Order, ang PBB ay nagkakahalaga ng halos P4 bilyon na ipinamamahagi na ng pamunuan ng PNP para sa kanilang mga tauhan para sa Fiscal Year 2022.
Matatanggap ito ng mahigit 200,000 PNP personnel na mayroong “exceptional performance” at nakakuha ng total score na 80 points base sa itinakdang PBB Criteria and Conditions.
Sinabi ng PNP na sisimulan na nito ang pamamahagi ng kanilang performance-based bonus para sa fiscal year 2022 nitong Sabado na inilagay sa kanilang mga ATM payroll account.
Nabatid na ang bonus na matatanggap ng mga pulis ay katumbas ng 52 percent ng kanilang buwanang sweldo simula Disyembre 31, 2022.
Subalit, nilinaw ng pamunuan na ilang mga opisyal at miyembro ng rank and file ang hindi makakatanggap ng bonus dahil hindi naging kuwalipikado sa PBB para sa fiscal year 2022 bunsod ng kasong kriminal at administratibo na kanilang kinaharap noong 2022.
Maliban dito, nagkaroon din sila ng incomplete submissions ng mga dokumento, mababang performance, extended leave at mga outstanding cash advance.
Paalala ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa mga pulis na gamitin ang bonus bilang encouragement na maging mahusay sa kanilang larangan. VERLIN RUIZ