GAGASTOS ang national government ng P4 billion sa pagsisimula ng National ID system ngayong taon at sa susunod na taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang panayam, sinabi ni National Statistician Lisa Grace Bersales na may P2 billion ang inilaan ngayong taon at P2 billion sa susunod na taon para sa National ID.
Ayon kay Bersales, ang National ID system ay nakatakdang lagdaan ngayong araw, Agosto 6, kasama ang Bangsamoro Organic Law (BOL). Nagpalabas na ang Palasyo ng abiso para sa event na idaraos sa Rizal Hall sa Malacañang.
“The President will sign into law the National ID on Monday, August 6, together with the signing of the BOL,” wika ni Bersales.
“Our timetable is to be able to do the procurement by the end of the year,” dagdag pa niya.
Aniya, sa P2 billion na nakalaan ngayong taon, may P1.4 billion ang gagastusin sa pagbili ng system at P0.6 billion sa administrative costs.
Ang system ay bibilhin sa pamamagitan ng International Competitive Bidding (ICB), alinsunod sa government procurement rules and regulations.
Ang nalalabing P2 billion na nakalaan para sa 2019 ay gagamitin sa actual data capture at sa pagpapatupad ng National ID system.
“Parallel to the procurement of the system, we’re already talking to Philpost that before the year ends also, we will enroll 1 million Filipinos,” dagdag pa ni Bersales.
Ang naturang isang milyong Filipino ay kabibilangan ng mga tumatanggap ng Unconditional Cash Transfer (UST) na ang listahan ay kukunin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). CAI ORDINARIO
Comments are closed.