P4 M AYUDA NG VALENZUELA SA ISABELA AT CAGAYAN

Valenzuela City

MATAPOS magpaabot ng P6 milyong tulong sa mga biktima ng Bagyong Rolly, nagbigay naman ang VC Cares Plus Program ng Valenzuela City ng P4 milyong financial assistance sa mga sinalanta ng Bagyong Ulys­ses sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.

Sa ipinasa ng 8th City Council ng City Government ng Valenzuela na Resolution No. 1882, Series of 2020 na nag-awtorisa kay Mayor Rex Gatchalian na maglalabas ng pondo mula sa General Fund para sa Cagayan at sa mga nasasakupan nitong munisipalidad ng P2,200,000 halaga ng bigas at P1,800,000 cash naman para sa Isabela at mga sakop din nitong munisipalidad.

Pinangunahan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), kasama si Vice Mayor Lorie Natividad-Borja, Councilor Rovin Feliciano at Senador Win Gatchalian ang pamamahagi ng tulong sa naturang mga probinsiya.

Nabatid na malawakang pagbaha ang naranasan ng naturang mga lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyong Ulysses na sinabayan pa ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam kung kaya’t libu-libong mga kabahayan ang nawasak at lumubog sa tubig baha.

Ayon sa NDRRMC, nagtala ng P4 bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa mga binahang palayan, P6 bilyong halaga ng mga pinsala sa imprastraktura at 73 ang namatay kung kaya’t isinailalim sa State of Calamity ang naturang mga probinsya. VICK TANES

Comments are closed.