“REALIZING dreams, rewarding talent.”
Ito mismo ang naisakatuparan ng Net 25 Eagle Broadcasting Corporation para sa mga indibiduwal at grupo na nagpakita ng kanilang mga kasanayan at nanguna sa kompetisyong “Tagisan Ng Galing” nitong Lunes sa telebisyon.
Iginawad ang pagkilala sa Grand Champion kay Jonacris Bandillo, habang ang Power Duo, si Edrien Oclarino, ang Cosmic Angles at si Nicole Francisco ay nagkamit ng premyo para sa pangalawa, pangatlo at pang-apat na puwesto.
Ang awarding ceremony ay ginanap sa Net25 Studio matapos ang kompetisyon na dinaluhan ng mga kilalang entertainment personalities sa bansa. Kabilang sa mga dumalong panauhin ay si Glicerio B. Santos, Jr., General Auditor ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Mahigit sa 4 milyong piso ang naiuwing premyo ng mga nagwagi.
Ang Grand Winner na si Badillo, na kilala rin bilang “Legendary Pool Player of Laguna,” ay nagpasalamat sa network at mga tagahanga na bumoto online para sa kanya. Nakuha niya ang 34.15% ng boto ng publiko sa SMS at online votes. Tumanggap siya ng P2 milyon.
“Unang-una gusto ko pong magpasalamat sa Panginoong Diyos. Siya po ang nagkaloob sa akin ng ganitong talent at minarapat lang po na ibalik sa Kaniya ang kapurihan at tagumpay.”
Dagdag pa niya, “Gusto ko rin pong magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa akin at sa kapwa kong contestants, pati na rin sa mga hurado. Sa lahat po ng bumubuo ng Tagisan ng Galing, sa Ka Jun Santos po, sa lahat po ng mga viewer, sa bumoto sa aming lahat, maraming, maraming salamat po.”
Ang Power Duo, na tanyag sa taguring “Amazing Couple from Rizal,” ay nag-uwi ng P1.5 milyon matapos nakakuha ng 18.02% ng kabuuang boto habang si Edrien Oclarino, na kilala bilang “Captivating Guitarist from Cavite,” ay nakakuha naman ng 17.64% boto at nakatanggap ng P1 milyon.
Ang iba pang mga nagwagi ay binigyan ng tig-100 libong pisong consolation prizes at pagkakataon upang maitampok sa mga programa ng NET25 kabilang na ang Himig Ng Lahi.
“Patuloy kaming maghahanap, manghihikayat at huhubog ng Talentong Pilipino. Tanyag ang ating mga performers sa buong mundo at ang ating Tagisan ng Galing ay patuloy na magsisilbing pandayan ng talento at pagkakataon para sa mga maliliit nating mga kababayan para ipamalas ang kanilang angking galing at natatanging kasanayan,” ayon pa kay Santos, Jr.
Ang Grand Finale ng Tagisan Ng Galing ay ipinalabas sa NET25 at sa Facebook at YouTube channels ng TNG tampok ang performance nina Ms. Kuh Ledesma, Angeline Quinto at Marcelito Pomoy, kasama sina Imelda Papin, Marco Sison at Vina Morales.
Sa awarding ceremonies ng Tagisan Ng Galing ay inihayag ang susunod na pagtatanghal ng nasabing kompetisyon “upang magbigay ng mas maraming mga pagkakataon para sa mga Filipino na ipakita ang kanilang mga talento sa mundo sa pag-awit at pagsayaw.”
Mananatili bilang judge sina Jukebox Queen Imelda Papin, OPM hitmaker Marco Sison at ang singer-actress na si Vina Morales. Papasok na rin bilang bagong judge ang America’s Got Talent grand finalist na si Marcelito Pomoy.
Panoorin ang NET25 at mag-subscribe sa NET25 at Tagisan Ng Galing FB page at YouTube channel para sa karagdagang mga update sa Tagisan Ng Galing Part 2.
Comments are closed.