TINATAYANG nasa dalawang kilo ng Kush o high-grade Marijuana na nagkakahalaga ng P3,923,700.00 ang nasabat sa isang lalaking consignee nang tanggapin nito ang kontrabando kasunod ng isinagawang controlled delivery operation sa kahabaan ng Quezon Blvd., Barangay 310, Sta. Cruz, Manila.
Sa ulat na isinumite ng PDEA Central Luzon team leader kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Amorio Virgilio Lazo, kinilala ang claimant ng ilegal na droga na si Jeric Herrera, 27-anyos, binata at residente ng 143 Alley F. Telecom Compound, Brgy. 310, Sta. Cruz, Manila.
Kinuha ni Herrera ang isang Large Brown Box na naglalaman ng limang lata na pinagsidlan ng limang transparent plastic pouch na naglalaman ng mga tuyong dahon at fruiting top na Kush na tumitimbang ng 2. 378 kilo na nagkakahalaga ng P3,923,700.00; isang Identification Card at isang Air Waybill.
Ayon sa mga operating team, ang parsela na naglalaman ng mga ilegal na droga na nagmula sa USA ay dumating sa Port of Clark nitong Abril 11.
“Ang pakete ay idineklara bilang Tevana Green Herbal Tea at nang sumailalim sa X-ray at K-9 inspection nakitaan ng pagkakaroon ng indikasyon ng mapanganib na droga matapos na i-hold ng Bureau of Custom.
Pagkatapos ay isinagawa ang isang pisikal na pagsusuri BOC at PDEA na humantong sa pagkadiskubre ng limang transparent plastic pouch na naglalaman ng naturang droga
Ang operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng mga operatiba sa pangunguna ng PDEA Central Luzon, PDEA Clark AIU-Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs – Port of Clark, PDEA-NCR at Manila Police District.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng ang Republic Act 9165 ang naarestong consignee. VERLIN RUIZ