WALANG sinayang ang Philippine weightlifting team na anumang pondo ng pamahalaan na ipinalabas sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ginamit itong inspirasyon upang mag-uwi ng 3 gold at 3 bronze medals sa Roma 2020 Weightlifting World Cup na idinaos sa Pala Pellicone sa Rome, Italy.
Ang PSC ay nagkaloob ng P2.2 million na budget para sa airfare, accommodation, allowance at iba pang kaugnay na gastusin ng pitong atleta, kasama ang apat na opisyal, na sumabak sa Rome competition, bukod sa P1.7 million na budget ng core team ni Olympian Hidilyn Diaz.
“This is an Olympic qualifying tournament for our national weightlifters. Walang dahilan para hindi natin sila bigyan ng full support,” wika ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Pinangunahan ni Filipino weightlifting superstar at Olympic Games silver medalist Diaz ang kampanya ng Filipinas makaraang walisin ang women’s 55kg class noong Martes.
Nagwagi si Diaz ng tatlong gold medals sa 93kg sa snatch, 119kg sa clean and jerk, at 212kg sa total.
Sa kasalukuyan ay number 4 siya sa mundo para mapalakas ang kanyang tiyansa na mag-qualify sa Tokyo 2020 Olympics.
Samantala, isa pang Zamboanga City lifter, sa katauhan ni Kristel Macrohon, ang nagbigay ng medalya sa bansa nang manalo ng dalawang bronze medals sa women’s 71kg class na nagmula sa clean and jerk (115kg) at sa total (209kg).
May panghihinayang si Macrohon, gold medalist sa 30th Southeast Asian Games na idinaos sa bansa noong Disyembre, makaraang tumapos sa 3rd place sa torneo.
“Nanghihinayang po ako kasi sa SEA games po 123kg na po ‘yung binuhat ko sa clean and jerk, ngayon po bumaba pa. Pero thankful pa rin po ako dahil umabot po ako sa podium,” wika ni Macrohon.
Nagpasalamat din siya sa suporta na kanyang tinatanggap mula sa PSC, dahilan para maging matagumpay ang kanyang kamanya.
“Thank you po sa PSC sa walang sawang pagsuporta po sa amin. Kayo po ang susi ng tagumpay ko,” ani Macrohon.
Isa pang Filipino lifter, si John Febuar Ceniza, ang nagdagdag ng bronze medal sa men’s 61kg division.