MAY kabuuang P40.6 billion na loans ang ipinagkaloob ng top 30 banks sa Filipinas sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa panahon ng enhanced community quarantine period.
Ito ay makaraang ipatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang relief measures para ayudahan ang maliliit na negosyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Iniulat ito ni BSP managing director Lyn Javier sa pagpupulong ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries kahapon.
Ayon kay Javier, sa survey na isinagawa ng BSP sa top 30 banks sa bansa na kinabibilangan ng top 10 universal banks, top 10 thrift banks, at top 10 rural banks, ay lumitaw na ang naturang financial institutions ay tumugon sa naging relief measures na ipinatupad ng BSP sa gitna ng health crisis.
“We note that banks continue to generate new MSME loans even during the ECQ. A total of P40.6 billion in loans were granted by these banks during the ECQ,” wika ni Javier.
Bukod sa pagpapautang, ang nasabing mga bangko ay nagkaloob din, aniya, ng financial relief sa MSMEs sa pamamagitan ng pag-amyenda sa kanilang financing terms.
“From March to April 2020, P25.6 billion in MSME loan accounts were renewed while P1.8 billion in MSME loan accounts were restructured,” aniya.
Sa pagkakaloob ng relief measures para sa MSMEs, sinabi ni Javier na nais ng BSP na tulungan ang MSME sector na maipagpatuloy ang kanilang mga negosyo kahit may pandemya at mapabilis ang pagbabalik ng kanilang operasyon matapos ang krisis.
Kabilang sa relief measures na ipinatupad ng BSP ay ang alternative modes ng pagsunod sa reserve requirements.
Comments are closed.