INAASAHANG kikita ang gobyerno ng P40 billion sa susunod na tatlong taon kapag tuluyang naisabatas ang House Bill 4695 o ang panukalang taasan ang Motor Vehicle Road User’s Tax o mas kilala bilang road user’s tax.
Nakalusot na sa House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Rep. Joey Salceda ang na-turang panukala.
Sa pagtaya ni Salceda, kikita ang pamahalaan ng P8 billion sa 2020, P12 billion sa 2021 at P20 billion sa 2022.
Ito ay direktang mapupunta sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Sa ilalim ng panukala, ang road user’s tax sa mga sasakyan na may gross vehicle weight (GVW) na 1,600 kgs ay magiging P2,080 sa 2020; P2,560 sa 2021 at P3,040 sa 2022.
Samantala, kapag ang GVW ay mas mataas sa 2,300 kg, ang buwis na babayaran ay aabot ng P15,200 sa 2022.
Kasama rin sa mga bubuwisan ang utility vehicles, sports utility vehicles, buses, trucks, trailers, motorsiklo at mga motor na may sidecar.
Simula naman sa Enero 2024, ang road user’s tax ay tataas ng 5% sa bawat taon.
Sinabi Salceda na ang kasalukuyang MVUC rates ay hindi na tumaas simula pa noong 2004. CONDE BATAC