P40/KILO NG BIGAS MABIBILI SA 4 PANG PALENGKE

DINAGDAGAN ng Department of Agriculture (DA) ang mga palengke sa Metro Manila na magbebenta ng P40 kada kilo ng bigas sa ilalim ng Rice-for-All program.

Ayon sa DA, apat pang palengke sa Metro Manila ang mag-aalok ng P40 kada kilo ng well-milled rice.

Ang bagong Rice-for-All locations ay ang Larangay Public Market sa Dagat-Dagatan, Caloocan; Phase 9 Bagong Silang Market, Caloocan; Cloverleaf Market, Balintawak, Quezon City; at New Marulas Public Market sa Valenzuela City.

Ang KADIWA ng Pangulo rice kiosks sa nasabing mga palengke ay nagsimulang magbenta ng P40 kada kilo ng bigas noong Sabado.

Araw-araw na mag-o-operate ang mga ito, mula alas-4 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, maliban sa Dec. 24, 25, 30 at 31, 2024 at Jan. 1, 2025.

Nagbukas na rin ang KADIWA kiosks na nag-aalok ng P29 kada kilo ng bigas sa Kamuning Market sa Quezon City, Pasay City Public Market at New Las Piñas City Market.

Inilunsad noong August, ang Rice-for-All program ay naglalayong mabigyan ng opsiyon ang mga consumer na makabili ng mas murang bigas sa mga pamilihan ngayong sobrang taas ang presyo ng commercial rice.

“The DA is working closely with market leaders to expand the program further, with plans to establish more KADIWA ng Pangulo kiosks across Luzon and eventually nationwide,” wika ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra, na nangangasiwa sa KADIWA program.