TINATAYANG nasa 130,000 kilos ng smuggled meat ang nasabat ng Department of Agriculture’s Inspectorate and Enforcement Team at ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa Navotas City.
Dalawang cold storage na sinasabing pag-aari ng iisang tao sa San Rafael Village ang ininspeksyon ng mga awtoridad pagkatapos ng isang buwang imbestigasyon.
Natagpuan ng mga awtoridad ang mga kahon ng Peking duck, itim na manok, dikya, at iba pang isda na sinasabing ipinuslit.
Bukod sa walang tamang mga dokumento, nabubulok na ang ilang produkto.
“Last month, may na-receive tayo na intelligence report na may dalawang lugar dito sa San Rafael Village na nagtitinda ng Peking duck. Isang tropa natin, nakapag-order ng Peking duck,” ani Dennis Solomon ng DA Inspectorate and Enforcement Team.
“Ayon sa NMIS, ang mga ito ay naka-ban pa rin, so mapapatunayan na smuggled siya,” dagdag pa ni Solomon.
Ang pagbebenta ng Peking duck mula sa China ay ipinagbabawal ng Department of Agriculture dahil sa bird flu ban.
Tinatayang nagkakahalaga ng P40 milyon ang mga nasamsam na produktong agricultural.
Iniutos ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang pagsasara ng pasilidad.
Sinabi ng mga manggagawa ng pasilidad na wala silang kaalaman sa mga ilegal na aktibidad sa pasilidad habang ang mga nasamsam na produkto ay ibibigay sa LGU para itapon.
EVELYN GARCIA