HANGGANG ngayon, hindi pa rin ganap na nakababangon ang mga kababayan natin sa Kabikulan na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Kaya mahalaga na nariyan ang national government at mga lokal na pamahalaan para umagapay sa kanila.
Malaking bagay rin na may mga grupo at mga mambabatas na tumutulong sa mga Bikolano.
Nagkasa naman kamakailan ang ACT-CIS Partylist ng relief operations sa mga lugar na higit na apektado sa pag-aalburoto ng bulkan, kasama sina Sen. Raffy Tulfo at Congresswoman Jocelyn Tulfo.
Kung hindi ako nagkakamali, mahigit 4,000 pamilya sa Legazpi City, Albay ang naabutan nila ng relief packs na may laman na bigas, pagkain, at gulay.
Asahan na raw na sa mga susunod na araw ay mas marami pa silang mabibigyan ng ayuda.
Samantala, may mga natuwa pero may hindi rin naman kuntento sa P40 daily wage increase ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Para kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, hindi raw ito sapat kumpara sa mataas na pamumuhay o “high cost of living” ngayon sa Metro Manila.
Hindi raw ito sapat na pambili ng isang litro ng gasolina kung nagmomotor ang manggagawa araw-araw.
Aminado naman si Tulfo na binabalanse itong mabuti ng pamahalaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sabi ni Tulfo: “Pero siyempre tinignan din siguro ng National Wage Board ang kakayahan ng mga employer kung hanggang magkano lang ang kaya nila dahil halos katatapos lang ng pandemic and they (employers) are trying to recover pa.”
Nakikita naman daw ng ACT-CIS solon na prayoridad din ng Marcos administration ang kapakanan ng mga manggagawa.
Tinutupad daw ni PBBM ang mga binitiwan niyang pangako noong halalan na pagtataas kalidad ng buhay ng mga manggagawa at pamilya ng mga ito.
Kung si Tulfo naman ang tatanungin, mas maigi kung magkukusa na lang ang ilang employers.
Pagdidiin pa ng dating mamamahayag, kung kaya naman ng ilang negosyante na magbigay ng mas mataas na sahod ay mas mabuting ibigay ito sa kanilang mga obrero.
Sang-ayon din daw si Tulfo sa hinihingi ng mga labor groups na P150 across the board wage increase pero dapat din aniyang tingnan ang kalagayan o kakayahan ng mga employer.
God bless and more power po, mga bossing!