UMAABOT sa halos P400 milyong tulong ang naipamudmod ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Nabatid na nakasaad sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) report na kabuuang P376,590,425 halaga ng tulong na ang kanilang naipamahagi.
Habang higit P31 milyon naman sa naturang halaga ay nagmula sa DSWD, mahigit P300 milyon ang nanggaling sa local government units samantalang nasa P1.5 milyon ang mula sa NGOs, at humigit kumulang P902,000 naman mula sa private sector.
Sa kasalukuyan ay 86,237 family food packs na ang naipamahagi ng DSWD sa mga Filipinong apektado ng ECQ.
Sa nasabing bilang, 40,000 ang ipinamigay sa National Capital Region (NCR).
Nitong Marso 17 nang isinailalim sa ECQ ang buong Luzon dahil sa patuloy na community transmission ng COVID-19.
Bunsod nito, mahigpit na ipinaiiral ang home quarantine sa lahat ng bahay habang suspendido ang lahat ng transportasyon kasama na rin ang trabaho. BENEDICT ABAYGAR, JR.
DEMOGRAPHICS DAPAT PAGBASEHAN NG DSWD SA RELIEF DISTTIBUTION
UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno kay Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na ikonsidera ang demographics o istruktura ng populasyon sa bawat siyudad o munisipalidad para maging basehan ng distribusyon ng ayuda ng pamahalaang lokal kaugnay ng pananalasa ng COVID-19 dahil na rin sa pagiging masikip ng Maynila sa dami ng tao.
Ito ay kasunod ng paniniguro ng Guangzhou City government kay Moreno ng pagkakaloob ng buong suporta ng tulong pangkalusugan sa pamamagitan ng paunang milyong halaga ng donasyon na kinabibilangan ng medical supplies tulad ng 200,000 piraso ng N95 face masks, 100,000 surgical face masks at 2000 piraso ng infrared thermometers.
Ang bulto ng donasyon ay ipinadaan sa tanggapan ni Secretary to the Mayor Bernie Ang at personal na ibinigay kina Moreno at Ang ng mayor/secretary ng Guangzhou City na si Wen Guohui.
Nabatid kay Ang na pinag-uusapan na nila ang isa pang donasyon na kabibilangan ng PPEs o personal protective equipment kung saan kulang na kulang ang supply para sa mga health worker.
Samantala ay pinasalamatan ni Moreno ang ‘Bayanihan Law’ na inaasahang tutulong sa LGUs sa pamamagitan usaping pinansyal at upang mapagaan ang nararanasang sitwasyon ng karamihan na labis na naapektuhan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine.
Ayon kay Moreno, mayroong 896 barangay sa Maynila na nangangahulugan ng 1.8 miyong bibig na pakakainin o 350,000 pamilya.
‘Partikular sa Maynila, ang kailangang-kailangan namin ngayon ay pagkain. While the city already appropriated millions for food, the home quarantine affects everything so kami as we go everyday, we have between 8,000 to 11,000 food packs produced at wala pang palya but with this, I hope the DSWD will particularly look into Manila. I’m not only appealing for my people. I’m just trying to be pragmatic and practical in identifying the demographics of Metro Manila,’ ayon kay Moreno.
Binigyang pansin din nito na walang mga subdivision o gated communities sa Maynila at sa halip ay makikita ang tatlo hanggang apat na pamilya na nagsisiksikan sa loob ng isang bahay.
‘Our population is 44,000 per square kilometer or 111,000 per square mile… so makikita mo dense…sa ngayon, nakakaraos kami pero hindi ako komportable,’ paliwanag pa ng alkalde. VERLIN RUIZ