P400,000 PABUYA, ALOK SA MAKADARAKIP SA PUMATAY SA GASOLINE GIRL

pabuya

NAG-ALOK ng tig-P200,000 pabuya ang Erwin Tulfo Action Center at ACT-CIS partylist para sa agarang pagkakadakip sa gunman sa pagpatay sa isang 29-anyos na gasoline girl nitong Sabado sa Cabanatuan city.

Kitang-kita sa CCTV footage ng Fuel Gold gasoline station sa Cabanatuan City kung paano binaril sa ulo ng riding in tandem si Bernadette Mamangon, 29, gasoline attendant. Nagpanggap na kostumer ang dalawang holdaper saka binaril ang biktima bago tangayin ang pera sa gasolinahan.

Ayon kay Lt. Col. Arnel Dial, hepe ng Cabanatuan-PNP, napatay sa engkuwentro kagabi sa isinagawang follow-up ope­ration ang hindi pa nakilalang driver ng motorsiklo habang patuloy pa ring nakalalaya ang gunman sa krimen.

Dahil dito, naglagak ng tig-P200,000 na pabuya ang ACT-CIS partylist sa pangunguna ni Cong. Eric Go Yap at ang Erwin Tulfo Action Center para agad na madakip ang gunman.

Nabatid pa na nag-overtime lamang ang biktima para may panghanda sa isa sa tatlong anak na magdiriwang ng kaarawan sa Marso 7, nang maganap ang krimen.

“Sobrang nakalulungkot ang pangyayari na ito. Kaya tayo ay hindi titigil hangga’t hindi napapanagot ang salarin sa karumal-dumal na krimen na ito,” ani Cong. Yap kasabay ng pahayag na sasagutin na rin niya ang handa para sa kaarawan ng anak ng biktima.

Eksklusibong inilabas ng Tutok Erwin Tulfo ang istorya matapos lumapit ang pamilya para humingi ng hustisya.

“Hindi po namin bibitawan ang kasong ito. Wala akong pakialam kung mahuli o mapatay ang gunman, ang mahalaga ay mapapanagot siya sa krimen na ginawa niya,” ayon kay Tulfo.

Comments are closed.