P408-M SHABU NASAMSAM SA 2 CHINESE NATIONAL

PAMPANGA – BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang Chinese national makaraang makumpiskahan ng P408 milyong halaga ng shabu sa isinagawang anti-illegal drug operations sa bahagi ng Lakeshore along NLEX sa bayan ng Mexico, Pampanga nitong Miyerkules ng hapon.

Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Wenjie “Harry” Chen, 45-anyos ng Brgy. San Antonio, Gerona, Tarlac at Sy Yan Qing, 42-anyos ng Banawe Street, Brgy. Sto. Domingo, Angeles City, Pampanga.

Base sa ulat na nakarating kay PRO3 Regional Director BGen Cesar R. Pasiwen, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa malakihang bentahan ng shabu sa nabanggit na lugar.

Kaagad na ikinasa ang anti-illegal drug operations ng pinagsanib na puwersa ng SOU NCR, IFD PNPDEG, Pampanga PPO at PDEA NCR kung saan nalambat ang mga suspek.

Nasamsam sa dalawang Chinese national ang 5 vacuum sealed plastic chinese tea bags na may laman na 5 kilong shabu at may standard drug price na P34 milyon; 55 plastic chinese tea bags na may 55 kilong shabu na may street value na P374 milyon.

Narekober naman ang 5 pirasong tig-P1K marked money, isang cellular phone, iba’t ibang identification cards at mga dokumento.

Lumilitaw din na nasa talaan ng COPLAN APOCALYPTO ang dalawang Chinese na notoryus sa malakihang bentahan ng illegal drugs sa mga lugar sa Metro Manila, Region 3 at Region 4A. MHAR BASCO/ ROEL TARAYAO