AABOT sa 40 bilyong piso ang madadagdag sa kita ng pamahalaan kapag naging ganap na naisabatas ang Medical Cannabis Bill.
Ito ang binigyang diin ni Bauertek Farmaceutical Technologies President at head for Research and Development Rigel Gomez.
Sa ginanap na Kapihan sa Metro East Media Forum sa pamamagitan ng PAMAMARISAN Rizal Prescorps, sinabi ni Gomez na maliban sa kita mula sa buwis ay makatutulong din ito ng malaki sa mga magsasaka.
Subalit paalala nito na hindi pwedeng kahit sino ay pwedeng gumamit o magtanim ng marijuana dahil sasailalim ito sa mahigpit na patakaran ng gobyerno.
Sa ilalim ng House Bill 10439 na ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa House of Representatives, magtatayo ng Medical Cannabis Office na aatasan na mag -screen ng mga medical practitioners na magrereseta sa paggamit ng medical cannabis, kasama ang naunang clearance mula sa Dangerous Drug Board, kung saan ang physician ay hindi kasama sa watchlist ng ahensya.
Binigyang diin ni Gomez na mananatili sa talaan ng dangerous drugs ang marijuana kahit pa ganap na naisabatas ang medical cannabis bill.
Matatandaan na una ng pumasa ang panukala noong 18th Congress subalit hindi naman nakalusot sa Senado.
Elma Morales