ISANG bigtime drug trader na nagpapakalat ng droga sa Metro Manila at karatig lalawigan ang nakumpiskahan ng P414 milyong halaga na shabu sa isinagawang anti-drug operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng NLEX KM32, Brgy. Lias sa bayan ng Marilao, Bulacan nitong Miyerkules ng umaga.
Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Jalon Supe Laureta ng Daisy Street, Green Valle Subd. sa Brgy. Molino 2, Bacoor City, Cavite.
Base sa ulat ng PDEA-NCR, si Jalon Laureta ay kapatid ni Joseph Laureta na nakumpiskahan din ng P27.6 milyong halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation ng PDEA4A at iba pang drug enforcement team ng pulisya sa Brgy. Alapan 2-B sa Imus City, Cavite nitong Martes.
Sa ulat na nakarating kay PDEA Director General Wilkins M. Villanueva, may posibilidad na magkatuwang sa drug trade ang mag-utol na isinailalim sa surveillance matapos makatanggap ng confidential impormation mula sa assets ng PDEA.
Magsanib- puwersa sa isinagawang anti-illegal drug operations laban kay Jalon ang mga operatiba ng PDEA Intelligence and Investigation Service, PDEA NCR, PDEA Region 3, Team ISAFP, PDEG, PRO-3, NICA at Marilao MPS nitong Miyerkules dakong alas-10 ng umaga kaya matagumpay na nasakote ang suspek na nasa talaan bilang high-value target ( HVT) .
Nakumpiska kay Jalon ang 60 kilo ng shabu na nakasilid sa Chinese tea bag na may street value na P414,000,000.00 kung saan narekober din ang isang Toyota Altis Champagne XPS112, isang Android phone, Nokia basic phone, Nokia basic analog phone at ilang identification card.
Isinailalim na sa chemical analysis ang 60 kilong shabu na gagamiting ebidensya laban kay Jalon sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of RA9165. MARIO BASCO/ MARIVIC RAGUDOS