Inaasahang tuloy na tuloy na ang P42 kada kilo ng bigas na mabibili sa Metro Manila sa susunod na linggo dahil sa pagpayag ng mga nagtitinda sa pamilihan na tapyasan ang kanilang tubo ng mula P3 hanggang P5 kada kilo nito ayon sa kasunduan nito sa Department of Agriculture (DA).
Ito ang tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. bilang tugon sa nais ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maging abot kaya ang presyo ng pagkain, lalo na ang bigas.
Una rito, nakipagpulong ang DA sa mga nagtitinda ng bigas sa palengke, dahil sa kabila ng Executive Order No. 62 ng Pangulo na nagtatapyas ng taripa sa mga imported na bigas mula 35% hanggang 14 % na lamang ay nananatiling mataas ang presyo nito lalo na ang mga well milled rice sa mga pamilihan.
Sa weekly price monitoring ng DA, mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2 naglalaro pa rin ang pinakamababang presyo mula P45 hanggang P49 kada kilo ng mga commercial rice sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Ang pakikipagpulong sa mismong nagbebenta ng bigas ay bahagi ng mga estratehiya ng ahensya upang mapababa ang presyo ng mga bigas.
Ipinahayag ng DA officials na matapos ang pakikipagpulong sa public market masters at mga representante ng mga ito na pumayag aniya ang mga ito na magtapyas ng kanilang mga tubo sa mga regular at well-milled rice ng hanggang P3-5 kada kilo.
Ayon sa DA officials, pangungunahan nila ang pagtitiyak na mabibili na ang mga P42 kada kilo ng bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila sa susunod na linggo ayon sa mga nakapagkasunduan nila sa mga nagtitinda sa palengke.
Sinabi ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa na kailangang ma-sustain ito at ito na talaga dapat ang standard na presyuhan ayon sa napagkasunduan, at hindi na dapat tataas pa ng higit sa P45 kada kilo.
“They have agreed to sell well-milled rice for around P42 per kilo after we appealed to their sense of patriotism. We asked them to help ease the burden on the poor by providing more affordable rice,” ang una ng naipahayag ni DA Undersecretary Roger Navarro.
Ito ang pinakahuling hakbang na isinagawa ng pamahalaan sa pagsisikap nitong mapababa ang presyo ng mga pagkain partikular na ang bigas na ang presyo ang isa sa nagiging pangunahing dahilan ng inflation sa bansa.
Una ng inasahan ng pamahalaan ang pagbaba ng presyo ng mga bigas ng P5 hanggang P6 kada kilo dahil sa isinagawang pagtapyas sa taripa ng imported rice ng mula P35 % sa 15% na lamang matapos lagdaan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naging epektibo noong Hulyo.
Sinabi naman ng mga rice importer sa pagpupulong kamakailan sa DA na umaabot lamang sa halagang P38 kada kilo ang kanilang mga inaangkat na bigas at posibleng mga retailers na ang nagpapataw ng mas mataas na presyo nito.
Katwiran naman ng ilang traders na ang maraming bilang na middle men na nagpapatong sa kada layer ang isa sa posibleng dahilan ng pananatili ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Samantala, sinabi naman ni Marideth Caña ng Kamuning Market na imposibleng maibaba nila ang presyo ng bigas sa P42 ganung ang pinakamababang presyo ng bigas ay pumapalo na sa P45 hanggang P48 kada kilo mula sa kanilang mga supplier.
Nangako naman ang mga DA official na mag- iikot sila sa mga pamilihan sa susunod na linggo upang matingnan kung may lumalabag sa profiteering at kung nasunod ang nasabing kasunduan sa mga nagtitinda ng bigas.
Ipinag utos din President Ferdinand Marcos Jr. sa DA na paabutin ng hanggang 300 ang Kadiwa Stores upang makapagsuplay ng murang bigas sa ilalim ng Rice for All program nito.
Tiniyak naman ni De Mesa na may sapat na suplay ng bigas at magiging abot kaya ang presyo ng mga ito sa kabila ng pinsala sa agrikultura at mga palayan bunga ng sunod sunod na kalamidad dulot ng mga bagyong nagdaaan. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia