NAKAHANDA na ang ipamamahaging P420 milyon na insurance claims para sa mga magsasaka na lubhang apektado ang mga pananim ng nararanasang tagtuyot bunsod ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) president Jovy Bernabe, ibinase ang P420 milyon sa notices of loss na inihain hanggang noong Marso 15.
Ani Bernabe, ilalabas na ang naturang halaga sa susunod na dalawang linggo para sa 36,338 claimant farmers sa buong bansa.
Inaasahan naman, aniya, na tataas pa ang bilang ng mga claimant dahil patuloy pa rin ang kanilang pagtanggap at pagproseso sa notices of loss ng marami pang apektadong mga magsasaka dahil sa nararanasang dry spell.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na lumalabas sa kanilang initial assessment na P464.3 milyong halaga na ng bigas at mais ang napinsala o nawala hanggang noong Marso 11. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.