P43-B IBUBUHOS SA FOOD SECURITY PROGRAM

UPANG matiyak na sisigla ang agrikultura at magtatagumpay ang food security program ng Department of Agriculture, bubuhusan ito ng P42,844,114,000 sa ilalim ng General Appropriations Act 2023 (GAA).

Ito ang pagtitiyak ng Department of Budget and Management.

Kasama sa mga programa ang National Rice Program, National Corn Program, National Livestock Program, National High-Value Crops Development Program, Promotion and Development of Organic Agriculture Program, at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program, na naglalayong tugunan ang seguridad sa pagkain, pagpapagaan ng kahirapan, at napapanatiling paglago sa pamamagitan ng pagtaas ng kita at produksyon sa sakahan.

“President Ferdinand R. Marcos Jr. has emphasized many times that agriculture is a top concern priority of his administration. Our 8-Point Socioeconomic agenda puts primacy on food security and agricultural output. As such, we have ensured that important programs which seek to increase farm income and productivity will get a much-needed boost,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.

Ang National Rice Program (NRP), na may kinalaman sa pagsasaka ng palay at pag-angat ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka, ay nilaanan ng P30.30 bilyon sa ilalim ng 2023 national budget.

Nadoble nito ang alokasyon para sa produksyon ng bigas sa pamamagitan ng NRP mula sa P15.78 bilyon lamang noong 2022.

Ang National Corn Program, na naglalayong pataasin ang produksyon ng de-kalidad na mais at kamoteng kahoy para sa konsumo ng tao, feeds, at gamit pang-industriya, gayundin ang pagbibigay kapangyarihan sa mga magsasaka, pataasin ang income, ay mayroong P5.02 bilyong budget ngayong taon.

Ang National Livestock Program, na naglalayong pabilisin ang pag-unlad ng poultry at livestock sector sa pamamagitan ng pagpapabuti ng produksyon nito at pagtaas ng profitability ng stakeholders, ay mayroong P4.50 billion budget.

May kabuuang P1.80 bilyon ang inilaan para sa National High-Value Crops Development Program, na ipinatupad upang tumulong sa pagsulong ng produksyon, pagproseso, marketing, at pamamahagi ng mga high-value crops.

Ang Promotion and Development of Organic Agriculture Program ay nilaanan ng P900 milyon na budget para sa 2023.

Ang programa ay naglalayong isulong, palaganapin, higit na paunlarin, at ipatupad ang pagsasagawa ng Organic Agriculture sa bansa.

Panghuli, ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program ay nabigyan ng P318.47 milyon sa ilalim ng 2023 GAA.

Ang programang ito ay inaasahang magsusulong ng urban at peri-urban agriculture at iba pang umuusbong na kasanayan sa agrikultura sa pamamagitan ng Plant, Plant, Plant program. EVELYN QUIROZ