P44.158-B TAX BREAKS SA SMEs

Secretary Carlos Dominguez III

MAY P44.158 billion tax breaks ang tinanggap ng Small and Medium Enterprises (SMEs) sa unang anim na buwan ng 2018 sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kung saan sakop na sila ngayon ng mas mataas na value-added tax (VAT) threshold at makapamimili na sa dalawang opsiyon para magbayad ng mas mababang buwis, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa report ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kay Finance Secretary Carlos G. Dominguez III sa isang exe­cutive committee (ExeCom) meeting ng DOF, ang VAT collections na karamihan ay mula sa region-al offices nito ay bumaba subalit ang koleksiyon mula sa percentage tax at income tax ay tumaas mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Ipinakikita nito na maraming SMEs ang nakinabang sa pagtataas ng VAT threshold sa P3 million mula sa P1.9 million sa ilalim ng TRAIN.

“Increases in the percentage and income tax collections indicate that SMEs and self-employed individuals that have not exceeded the VAT threshold are now opting to pay either the 8 percent income tax on gross sales or receipts and other non-operating income or the percentage tax and the graduated income tax rates under the TRAIN,” paliwanag ng finance chief.

Sa ulat ng BIR, ang total collections sa buong bansa mula sa percentage tax ay tumaas sa P44.158 billion sa unang anim na buwan ng taon, mas mataas ng 0.93 percent sa target nito na P43.744 billion at sa 2017 collection na P38.241 billion para sa kaparehong panahon.

Base sa preliminary data mula sa BIR, ang  income tax collections ay tumaas sa P500.585 billion para sa first half ng taon, mas mataas ng 2.2 percent kumpara sa 2017 level na P489.456 billion, gayundin sa target ng BIR na P450.375 billion.

Ang kabuuang VAT collections sa unang anim na buwan ng taon ay umabot naman sa P179.951 billion, mas mataas ng 0.84 percent sa P178.435 billion na naitala noong 2017, subalit kapos sa  P222.419 billion na target ng BIR.

Samantala, ang VAT collections sa regional offices ng BIR ay umabot sa P63.217 billion mula Enero hanggang Hunyo 2018, mas  mababa ng 13.1 percent sa P72.813 billion noong nakaraang taon.

Gayunman, ang percentage tax collections para sa kahalintulad na panahon ay tumaas ng 48.9 percent sa P18.079 billion mula sa P12.130 billion noong 2017. Ang figure para sa anim na buwan para sa percen­tage tax collections ay mas mataas din sa target ng BIR na P14.803 billion.   REA CU

Comments are closed.