NAGPAHAYAG ng kagalakan si Museo ng Maynila Director Flordeliza T. Villaseñor sa pagbawi ng Manila City Hall sa obra ni national artist Carlos ‘Botong’ Franciso mula sa National Museum.
“As the City Museum Director, I will be the happiest because that obra belongs to City Government of Manila. It should be mounted where it should be at sa Manila City Hall dapat,” pahayag ni Villaseñor sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Sinabi pa ni Villaseñor pangarap ng bawat museum worker na makita ang marka ng sining at kultura sa kanyang bakuran.
Nauna rito ay nanindigan si incoming Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na babawiin ng kanyang administra-syon ang P440 milyong mural para muli itong ibalik sa Bulwagang Antonio Villegas sa Manila City Hall.
“Amin po yan eh, pag-aari ‘yan ng Maynila kaya dito sa aming Bulwagan yan dapat manatili. Huwag pong mag-aalala ang mga taga-Maynila, hintayin n’yo lang ang pag-upo namin at babawiin ko yan at ibabalik dito sa kanyang tahanan sa Antonio Villegas Hall,” ani Domagoso.
Giit ni Moreno, walang karapatan ang National Historial Commission of the Philippines (NHCP) na angkinin at ilagak sa ka-nilang pangangalaga ang mural na may titulong “Filipino Struggles Through History” dahil simbolo ito ng kasaysayan ng lungsod.
Ang nasabing mural ay serye ng mga makasaysayang yugto sa lungsod na nilikha ni Francisco ayon na rin sa kahilingan ni da-ting Manila Mayor Antonio Villegas.
Natapos niya itong iguhit ilang buwan bago siya pumanaw noong Marso 31, 1969. Itinanghal itong National Cultural Treasure, ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad sa isang cultural property, dahil sa nakamit nitong mga artistic achievements noong 1996.
Noong Enero ng 2013, hiniling ni dating Mayor Alfredo Lim sa NHCP na isailalim sa restorayon ang ilang bahagi ng mural na nasira sa paglipas ng ilang dekada bilang tugon sa rekomendasyon ng noon ay si Tourism Secretary Gemma Cruz.
Noong 2017, isang kasunduan naman ang napagtibay sa pagitan ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada at ng Konseho ng lungsod na pumapayag na manatili sa National Museum ang nasabing mural para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makita ang isa sa mga pinakamahalagang likhang sining ng Pilipinas, pangalawa sa Spoliarium na likha ni Juan Luna.
Bilang kapalit, binigyan ng National Museum ng replica ng mural ang city hall na mas matibay umano at kayang tumagal ng mahabang panahon. PAUL ROLDAN
Comments are closed.