UMABOT na sa 442.107 milyong piso ang total damage ng bagyong ‘Nika’ at ‘Ofel’ sa infrastructure ayon sa Department of Public and Highways (DPWH) dahil sa pananalasa ng bagyong Nika at Ofel sa Northern Luzon.
Isinumite na ng DPWH-CAR at Region 3 ang kanilang pagtataya sa halaga ng pinsala sa impraestruktura dulot ng kalamidad.
Mula rito, P121.45 milyon ang iniulat na pinsala sa mga kalsada sa CAR habang P320.66 milyon naman ang pinsala sa mga flood control structures sa Region 3.
Samantala, patuloy na hindi madaanan ang limang national roads sa Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley dahil sa epekto ng bagyo.
Ayon sa pinakabagong ulat mula sa Department of Public Works and Highways Bureau of Maintenance (DPWH-BOM) nitong Nobyembre 14 ng umaga, ang mga apektadong bahagi ng kalsada ay kinabibilangan ng:
1. Banaue-Hungduan-Benguet Boundary Road sa Tukucan, Tinoc, Ifugao dahil sa landslide.
2. Lubuagan – Batong-Buhay Road, Batong-Buhay, Balatoc, Pasil, Kalinga dulot ng pagdaloy ng debris.
3. Jct Talubin-Barlig-Natonin-Paracelis-Calaccad Road, Tonglayan section, Natonin, Mountain Province dahil sa pagguho ng lupa.
4. Sampaguita – Warat – Suerte – Catarauan – Afusing Road (Afusing-Tamban Section), Malalatan, Alcala, Cagayan dahil sa pagbaha.
5. Cagayan-Apayao Road, Itawes Overflow Bridge, Sta. Barbara, Piat, Cagayan dulot ng pagkasira ng bahagi ng tulay.
Sa kabuuan, 18 na apektadong kalsada dulot ng bagyo ang nalinis na at muling binuksan para sa publiko.
Inatasan ang DPWH Disaster and Incident Management Teams (DIMT) na pabilisin ang clearing operations sa mga natitirang saradong kalsada.
RUBEN FUENTES