SA loob pa lamang ng isang buwan sa ilalim ng administrasyong Marcos, naibigay na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang pangakong kabayaran na nagkakahalaga ng P445.66 milyon para sa drivers at operators ng mga Public Utility Bus (PUB) sa EDSA Busway sa ilalim ng Libreng Sakay ng Service Contracting Program (SCP).
Based sa kasalukuyang datos, nakapagbayad na ang ahensiya ng P445.46M para sa anim hanggang 13 Linggo ng SCP Phase 3, at ipino-proseso na rin ng LTFRB ang kabayaran para naman sa 14 hangang ika-15 ng Linggo.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, nakikipag-coordinate na rin ang ahensiya sa mga PUB consortia na nag-o-operate sa EDSA Busway upang masimulan na ang pagproseso para sa 16 week, na natapos noong nakaraang Linggo.
Una dito, ang bagong LTFRB administration ay nangakong bibilisan ang pagbabayad sa PUB drivers at operators sa EDSA Busway sa gitna ng mga reklamo ng drivers at operators na hindi nababayaran ang kanilang serbisyo sa mga pasahero sa nabanggit na ruta.
“LTFRB will continue to address issues and concerns with regard to the current public land transportation system in line with the mandates of the new administration to improve the lives of our operators & drivers and the commuting public,” pahayag pa ng LTFRB official. EVELYN GARCIA