P46-B NG ROAD USERS TAX ILALAAN SA BICOL RIVER BASIN DEVELOPMENT PROGRAM

Albay-Rep-Joey-Salceda

ANG balak ni ­Pangulong ­Rodrigo Duterte na muling buhayin ang Bicol River Basin Development Program (BRBDP) para matugunan ang pagbaha at pagkasira ng mga pananim sa Albay, Camarines Sur at Camarines Norte, ay magandang halimbawa ng isang ‘Disaster Risk Reduction-led sustainable development initiative.

Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda.

Sa pagbisita ng Pangulo sa Camarines Sur matapos ang matinding pananalasa ng bagyong Usman, ­nangako  ito na  popondohan ng pamahalaan ang malawakang ‘flood control program’ sa Bikol ng P46 bilyon mula sa ‘road user’s tax’.

Ayon kay Salceda, natutuwa ang mga Bikolano na matapos ang 40 taon, bibigyan na ng pansin ang Bicol River Basin (BRB) na napakahalaga sa pagprogreso ng kanilang rehiyon. Ipinanukala niya na sa halip na tugunan lamang ang pagbaha, dapat din  na pagtuunan ang pangkalahatang pagsulong ng BRB na kulang na kulang sa pondo sa kabila ng pagmamakaawa ng Bicol Regional Development Council na pinamunuan niya nang siya ay gobernador ng Albay noong 2007-2016.

Sa balangkas ng BRBDP na sinimulan noong dekada 70, layunin ng pamahalaan na  pasulungin ang BRB at ga­wing bahagi ng “mainstream national development” sa pamamagitan ng komprensibong programa kasama ang “irrigation development, watershed development and flood control.” Hindi ito nagkaroon ng katuparan dahil sa oposisyon sa layuning ga­wing regular na imbakan ng baha ang isang bahagi ng Baao, Camarines Sur.”

Malaki ang potensiyal na ambag ng BRB sa pambansang kaunlaran. Saklaw nito ang 317,103 ektaryang bukirin sa Albay, Camarines Sur at Camarines Norte na ang 81% ay bahain at matagal bago iwanan ng baha. Sa ginanap ng pulong sa Pili, nangako si Duterte na ihahanap niya ng agarang tugon sa problema nito at maaring ilaan ang P46 bilyon ng ‘road user’s tax’ para muling buhayin ang BRBDP.

Bagama’t 55-kilometro bawat oras lang ang ­hanging taglay ni Usman, ang sobrang lakas ng ulan nito ay nagdulot na malawakang baha at pagguho ng lupa noong Pasko na kumitil ng 155 buhay — 105 sa Bikol bukod sa 37  na nawawala. Libo-libong iba pa ang naperwisyo nito.

Comments are closed.