P46-M EVACUATION CENTER BINUKSAN

ILOILO CITY- BINUKSAN ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang bagong multi-purpose building project na magsisilbing emergency evacuation center sa distrito ng Arevalo sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat ni DPWH Region 6 OIC-Director Sanny Boy Oropel, mas pinahuhusay ang proyekto sa disaster response capabilities sa pamamagitan ng pag-aalok ng versatile facility na may multi-functional amenities na tutugon sa mga pangangailangan ng mga lokal na komunidad sa Arevalo.

Magsisilbing lugar para sa athletic event ang 1,445-square meter na gusali sa Barangay So-oc ay mayroong covered basketball court at iba pang aktibidad ng ilang barangay sa lungsod at magiging pansamantalang tirahan ng humigit-kumulang 500 katao sa panahon ng sakuna o kalamidad.

Kabilang din sa proyekto ang reception area, mess hall, administration office, storage area, toilet at paliguan na may probisyon para sa mga taong may kapansanan (PWD), parking area, at probisyon ng anaerobic baffled reactor generator room at transformer na ginawa ng DPWH Regional Office 6 na nagkakahalaga ng P48.6 milyon. PAULA ANTOLIN