BUMABA ang presyo ng commercial rice sa Zamboanga City matapos na magdagdag ang National Food Authority ng supply ng mababang presyo ng bigas sa pamilihan ng 4,000 mula sa 2,000 sako bawat araw, pahayag ng isang opisyal.
Base sa presyo ng price monitoring team, mabibili na ngayon ang commercial rice na nagkakahalaga ng P48 bawat kilo na dating P70, pahayag ng NFA.
Nadagdagan ang supply “bilang mabilis na pagtugon para matulungan ang pagresolba sa sobrang pagtaas ng presyo ng bigas sa siyudad,” ayon sa pahayag.
“We shall continue to inject the low-priced rice not only in Zamboanga City but all over the country especially in island provinces and calamity-prone areas to provide our consumers a reprieve and alternative for the highly priced commercial rice,” sabi ni NFA administrator Jason Aquino.
Nauna rito, sinabi ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Climaco-Salazar na ang kakulangan ng supply ang naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas hanggang P72 bawat kilo noong Agosto, na naging basehan para magdeklara ng state of calamity.
Sinabi rin ng ahensiya na sila ay gumawa ng hakbang sa kanilang distribusyon ng bigas na maging P27 per kilo ang NFA rice upang makinabang din ang marginalized sector.