INAASAHANG aabot sa P480 billion ang makokolektang buwis mula sa mga tinatawag na ‘sin’ products pagsapit ng 2024 na makatutulong sa pagpondo sa universal health care, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa isang statement, sinabi ni Finance Undersecretary Karl Kendrick T. Chua na ang naturang pagtaya para sa total sin tax collection, apat na taon mula ngayon, ay inaasahang sanhi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11346 na nagtataas sa buwis sa sigarilyo, at ng isa pang batas, ang Republic Act No. 11467, na nagpapataw rin ng dagdag na buwis sa alcoholic drinks, vapes at heated tobacco products.
Ang dalawang nasabing tax laws ay naging epektibo noong Enero 1.
Sa sigarilyo pa lamang, ang excise collections ay inaasahang aabot sa P14.9 billion sa 2020 at lolobo sa P125.8 billion pagsapit ng 2024.
Ang mas mataas na buwis sa alcohol, heated tobacco at vapes ay tataas sa P22.2 billion sa 2020.
“Revenues from higher taxes on alcoholic drinks, vapes and heated tobacco were expected to reach P137.2 billion from 2020 to 2024,” sabi ni Chua.
Aniya, 60 percent ng kita mula sa dagdag-buwis sa alcohol at vapes ay mapupunta sa universal health care habang 20 percent sa medical assistance at health facilities.
“The remaining 20 percent will be for programs to help the government fulfill commitments to the United Nations Sustainable Development Goals,” dagdag pa niya.
Noong 2018, ang mga buwis mula sa sin products ay pumalo sa P269.1 billion bagama’t mas mababa sa P284.2 billion target.
Sa datos ng DOF, ang pamahalaan ay nakakolekta ng P147.4 billion na buwis sa sigarilyo, P79.7 billion sa alcoholic drinks at P42 billion sa sugary drinks.
Ngayong taon ay target ng gobyerno na makakolekta ng P332.3 billion dahil ang electronic cigarettes, heated tobacco at vapes ay sakop ng dagdag-buwis sa alcoholic drinks at cigarettes. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.