ANG mga tinatawag na advocacy groups ay itinatag upang maging boses at impluwensya ng opinyong pampubliko.
Ang hangarin ay makatulog sa polisiya ng gobyerno.
Sa Amerika at Europa, ang tinatawag na advocacy group ay pareho lamang sa tinatawag nating lobby group. Ito ay pumupunta sa samu’t saring ahensya ng ating pamahalaan, kasama na rin ang sangay ng Lehistratura at sa Hudikatura.
Ang basehan ng mga tinatawag na lobby o advocacy group ay maaaring isyu tungkol sa relihiyon, pulitika, ekonomiya, moralidad, konsyumer at marami pang iba.
Ang mga nasabing grupo ay may kanya kanyang estilo upang maging matagumpay ang kanilang isinusulong na isyu o posisyon. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng tinatawag na media campaign, research, publicity gimmick at mga dagdag pamamaraan upang kumagat sa isipan ng ating mga mamamayan ang isyu na nais nilang isulong.
Sa totoo lang ang mga tinatawag na ganitong uri ng grupo ay kadalasan sinusuportahan ng mga dambuhalang negosyante at kung minsan ay mga pulitiko na tugma sa kanilang adbokasiya. Kaya nakakalikom ang ilan sa kanila ng malaking pondo upang maipagpatuloy ang kanilang grupo. Subalit may mga advocacy group din na hindi nakakakuha ng ganitong uri ng suporta kaya kadalasan ay nawawala na sa isipan ng publiko.
May mga insidente rin sa ibang bansa na may mga kilalang advocacy group na nakasuhan ng corruption, bribery, fraud at influence peddling. May mga militanteng grupo rin na nakakasuhan ng tinatawag na ‘civil disobedience’ na nasaksihan natin dito sa ating bansa.
Ipinaliwanag ko lamang ang diwa ng advocacy o lobby group dahil kung gagamitin ito sa tamang paraan, malaking tulong ito sa pag-unlad ng ating bansa. Subalit kung gagamitin sa maling paraan, maaaring maging salot sa ating lipunan.
Ang Power 4 People Coalition o P4P ay isang advocacy group na umano’y may malawak na impluwensya.
Ipinapalabas nila na sila ang representante ng ating mamamayan upang magkaroon ng boses at kapangyarihan na batikusin ang mga polisiya ng ating pamahalaan. Wow, ang gandang pakinggan.
Subalit tila lumalabas na ang P4P ay nagmistulang anti-consumer tungkol sa isyu ng pag-petisyon nito sa ERC upang itigil ang mga power supply contract ng Meralco na maaaring magdulot ng kakulangan sa supply ng koryente. Tiyak na magiging problema ito para sa mga konsyumer kapag pinagbigyan sila ng ERC.
Ang ganitong scenario ay taliwas sa adhikain ng pamahalaan na magkaroon tayo ng energy security. Kapag tayo ay nagkaroon ng kakulangan sa supply ng koryente, malaking problema ito para sa mga konsyumer. Ang ganitong klase ng panawagan ay walang naitutulong ng mabuti sa atin.
Ang katotohanan ay ang pagsasagawa ng CSP ng Meralco ay isang prosesong aprubado ng DOE at ERC upang makakuha ng sapat na supply ng koryente sa pinakamurang posibleng halaga. Kaya walang basehan ang mga alegasyon ng P4P na ito raw ay magreresulta sa mas mahal na bayarin sa koryente para sa mga customer. Haller?!
Ang mga power supply contract na ito ay produkto ng bidding, ibig sabihin kukuha dapat ng mas murang halaga ng supply. Kaya hindi totoo na magreresulta ito sa mas mahal na singil ng koryente sa mga customer.
Ang petisyon ng P4P ay tila nagbibigay ng maling mensahe sa publiko na ang ERC ay hindi highly-regulated ang energy industry. Ha? Ganun?
Nandyan ang ERC para magpatupad ng mga polisiya at regulasyon ng pamahalaan para masiguro na ang lahat ng mga kasapi sa generation companies (genco), distribution utility (DU), electric cooperative (EC) ay tumutupad sa mga polisiya ng ating gobyerno.
Kaya nagtataka ako kung ano ang pinuputok ng butsi ng P4P sa nasabing kontrata ng Meralco. Bago ipatupad ang mga kontrata, dumadaan ito sa masusing pagsusuri at approval ng ERC.
Kaya kung meron man na ipinaglalaban ang P4P o ipinipilit nito na bigyan ng kontrata, yan ang tunay na anti-competitive. Kung may magbibigay ng mas murang suplay, siguradong mananalo ito sa bidding.
Parang lumalabas yata na ang gusto ng P4P ay ibigay ang kontrata sa mas mahal ang offer o kaya ibigay ang kontrata sa hindi man lang nag-offer? Nagtatanong lang po.
Gumagawa lang yata ng ingay ang P4P pero ‘di naman makapagbigay ng solusyon para sa suplay na kailangan natin.
May pakialam ba talaga ang mga yan sa taumbayan? Anong gagawin nila kapag nawalan ng koryente? Peste 4
Perwisyo yata ang ibig sabihin ng P4P.