P5.2-B PINSALA SA INFRA, AGRI NI ‘ULYSSES’

Mark Villar

TINATAYANG aabot sa P4.25 billion ang halaga ng pinsala ng bagyong Ulysses sa imprastraktura, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar.

“Ngayon po mayroon kaming preliminary estimate of damages as of 9 a.m. today… Sa ngayon po P4.254 billion ang cost of damages of Typhoon Ulysses,” pahayag ni Villar sa briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay Villar, base sa initial findings, ang Marcos Bridge sa Marikina City na natamaan ng iconic giant shoe landmark ay nagtamo lamang ng ‘superficial’ damage.

“Pati ‘yung sa R-10 bridge na natamaan po ng barko, nasira lang ‘yung railings but structurally, so far, wala pa kaming nakikitang damage,” sabi ni Villar.

Nananatili rin aniyang sarado sa mga motorista ang 52 road sections dahil sa landslide, mudflow, debris flow, fallen trees, at flooding.

Labing-apat dito ay matatagpuan sa Cordillera Administrative Region, isa sa Ilocos Region, 13 sa Cagayan Valley, walo sa Central Luzon, pito sa  Calabarzon, walo sa Bicol Region, at isa sa Eastern Visayas.

Limitado naman ang access ng mga motorista sa 19 national roads sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Bicol.

Samantala, umabot na sa halos P1 bilyon ang iniwang pinsala ni Ulysses sa sektor ng agrikultura.

Sa report ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, ang agricultural damage at losses ay naitala sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region III at Region IV-A na may kabuuang halaga na P969.8 million,  at nakaapekto sa 40,519 magsasaka at 51,241 ektaryang agricultural areas.

Ang volume ng production loss ay nasa 58,897 metric tons at ang mga apektadong produkto ay kinabibilangan ng rice, corn, high value crops, at livestock.

Nauna nang sinabi ng DA na may kabuuang 69,716 ektarya ng palay ang naisalba sa CAR at Regions II, III at IV-A, na may katumbas na produksiyon na 341,812 metric tons, na nagkakahalaga ng P5.48 billion dahil sa maagang abiso sa bagyo.

May kabuuang 1,550 ektarya naman ng bigas ang naisalba sa Regions I, II, at III, na may katumbas na produksiyon ng 6,758 metric tons na nagkakahalaga ng P85.62 million.

Ayon sa DA, mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa  mga kinauukulang national government agencies, local government units, at disaster risk reduction at management-related offices para sa epekto ng bagyong Ulysses.

“Affected DA-RFOs (Regional Field Offices) are continuously assessing and validating damage and losses in the agriculture and fisheries sector,” ayon sa ahensiya.

Comments are closed.