P5.268-T 2023 NAT’L BUDGET APRUB SA KAMARA

MATAPOS na aprubahan ng bicameral conference committee, agad din niratipikahan ng Kamara ang ‘reconciled version’ ng P5.268-trillion na pambansang badget para sa taong 2023 kahapon.

Pagbibigay-diin ni Speaker Martin G. Romualdez, ang naipasang bersiyon ng Bicam na 2023 General Appropriations Act (GAA) ang magsisilbing-daan upang magtuloy-tuloy ang economic growth ng bansa.

“With this budget, which is the first full-year spending plan proposed by the President (Ferdinand Marcos,Jr., we hope to hasten our economic growth, which should benefit our people,” ang naging pahayag ng Speaker kung saan malugod din niyang binati ang House at Senate leaders sa mabilis na pag-apruba sa bicam report para sa P5.268-T 2023 national budget.

Nauna rito, nagpulong ang bicam panel, na pinamumunuan nina Ako Bicol Rep. Elizaldy Co (House appropriations committee chairman) at Sen. Sonny Angara (chairman, Senate Finance Committee), sa Manila Golf and Country Club, Makati City kung saan nagkasundo ang dalawang panig na aprubahan ang 2023 GAA matapos ang ilang kaunting pagbabago rito.

Kabilang sa mga ito ang paglaan ng pondo para sa pagpapatuloy sa susunod na taon ng “Libreng Sakay” program ng Department of Transportation (DOTr), gayundin ang badget para sa ‘fuel subsidy’ program at konstruksiyon ng bike lanes.

Nabatid na mayroong ding nakalaan ng P10 billion para naman sa repair ng mga tulay na nasira ng nakaraang kalamidad at pagsasaayos din ng school buildings na winasak ng ilang bagyo kasama na ang may dalawang taon na ang nakalipas.

Dinagdagan din ang pondo para sa susunod na taon sa cash assistance program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), free tuition fee program ng state universities and colleges (SUCs), medical assistance program sa mga speciaty hospital at pagpapatayo ng dagdag na gusali para rito.

“Yung sa education, not only the government schools, but the private schools can also be funded. And also yung TESDA (Technical Education Skills and Development Authority) and the other — sa education, hospital and universities. Lahat, it’s a very good budget,” ang paglalahad ng Ako Bicol party-list lawmaker.

“So, you will see the promise of the President. We will build malalaking hospital alll over the country, which will be good for social services. Kasi yung mga first class hospital dito sa Manila, hindi naman sila kayang pumunta sa provinces. So, we are going to fund it in a multi-year,” dagdag pa ni Co.

Samantala, ibinalik din ng Bicam ang orihinal na panukalang P150 million na confidential and intelligence fund ng Department of Education (DepEd) at ang P10 billion para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Matapos ang ratipikasyon ng Kamara sa plenary session nito kahapon ng hapon, sinabi ni Romualdez na agad nilang isusumite sa Malakanyang ang enrolled copy ng 2023 GAA at umaasa siya na mapipirmahan ito ni Pangulong Marcos sa susunod Linggo, na maituturing bilang maagang Pamasko ng administrasyon para sa buong sambayanang Pilipino. ROMER R. BUTUYAN